Stranded

image credit to orig uploader

"Nabawasan lang pag-aalala ko nang tumawag si Rachel kaninang umaga!"

Inilapag ni Janice ang isang basong juice sa harapan ko. Ang dalawang piraso ng yelong korteng parisukat ang dahilan kung bakit basang-basa ang kabuuan ng baso. Hindi naman ako naglakad patungo sa bahay nya, pero pakiramdam ko'y tuyong-tuyo ang lalamunan ko. Agad akong lumagok. Nagka-brain freeze pa ng maabot ko ang hangganan nito.

"Sinubukan kong tumawag sayo, kaso mahina ang signal sa lugar kung saan kami nasiraan.." paliwanag ko kay Janice.

"Sa susunod kasi siguraduhing maayos ang lagay ng kotse bago mag-byahe! eh kung hindi lang pala ang baterya ang problema, eh di nadisgrasya pa kayo.."

"Pinaliguan ko nga ng papuri ang truck driver na tumulong samin. Akalain mong may mabuti pang kaloobang nabubuhay sa lupa" biro ko.

Nilisan ko ang sofa at niyakap si Janice mula sa likod nya. Mahigpit ang isang iyon. Para bang sabik na sabik akong muling makita sya. Marahan kong hinawi ang kanyang buhok. Lumantad sa aking mga mata ang kanyang maputing batok. Banayad ko iyong hinalikan.

"Kamusta si Rachel?" mabilis syang umiwas at naglakad ng ilang distansya papalayo sa akin.

"Hinatid ko na sa kanila.. Hindi nya na daw kaya pang dumiretso dito. Sumama yata ang pakiramdam.."

"Sayang naman ang mga inihanda ko.. Nag-abala pa ko para sa celebration na 'to. Kung alam ko lang na magkaka-aberya sana sa restaurant nalang ang set-up.."

"May next time pa naman! Maganda naman ang araw sa labas, bakit di nalang tayo umalis.." maingat kong anyaya. Kabisado ko sya kapag wala na sya sa mood.

Girlfriend ko sa Janice. Sampung taon. Bestfriend nya si Rachel, na syang dahilan para magkakilala kami. Noong una, akala ko'y sa ubusan lang ng init ng katawan matatapos ang lahat. Never sumagi sa isip kong magtatagal ang relasyon namin. Hanggang sa nakikita ko na lang ang sariling nagbibilang ng araw sa paparating na anibersaryo. Isa, dalawa, tatlong taon. Hanggang sa biglang ayoko nalang mawala sya sa buhay ko.

---

"Bakit ba kasi dito mo pa napiling tumira? Kahit masikip ang Maynila, marami pa ding lugar na pwede mong pagpalipasan ng oras.." sermon ko kay Rachel habang kinakarga ang mga gamit nya sa likod ng kotse.

"Maganda dito! Tahimik at malayong malayo para sundan pa ni Benedict!" galit ang boses. Pinitik ang yosing hawak sa kalsada.

"Wag mong pansinin! Tatahimik naman yung tao kung hindi ka magbibigay ng kahit anong reaksyon sa mga sinasabi nya. Hinahayaan mo kasing maapektuhan ka, kaya ka nasasaktan pa din"

"Huwag mo na kong sermunan Jojo! Sawang-sawa na ko nyan kay Janice!"

"Babae si Janice. Lalaki ako. Magkaiba ang pananaw namin sa mga ganyang bagay.."

Si Rachel. Wasak ang puso dahil sa boyfriend na si Benedict. Kung aprubado na nga daw ng NASA ang Mars para tirahan siguro ginawa na nya, malayo lang kay Benedict at tuluyang makalimutan. Nag-byahe ako mula siyudad para lang sunduin sya. Ang totoo pinasundo sya ni Janice para sa isang celebration. Para na din siguruhin kung maayos ba ang lagay ng kaibigan.

"Wala ka bang nakalimutan?" tanong ko kay Rachel habang kinakabit ang seat belt.

"Kung nasa loob ng bahay si Benedict, sana sya nalang nakalimutan ko!" natawa nalang ako sa sagot nya.

May kulog at kidlat sa langit. Wala namang banta ng masamang panahon nang umalis ako ng maynila kaya nakakagulat ng bigla nalang bumugso ang ulan. Nakakainis pa ang madulas na kalsada. Dagdag pa ang katahimikan ni Rachel. Pakiramdam ko kahit walang eyebag ay emo na din ako.

May sumpang dala ang babaeng katabi ko. Umuulan kanina. Tapos nag-traffic nalang bigla. Nag-declared ang kotse ko. Biglang nasiraan. Sa gitna ng madilim na kalsada ay ayaw nalang nya biglang umandar. Peste!

"Syet naman! Ganitong ganito yun eh!"

"Ang alin?"

"Kung paano kami nagkakilala.."

Ibang klase. Problema ko kung paano kami makakawala sa pagkaka-stranded. Ang bestfriend ni Janice iba ang sapi sa utak. Mas inuna pa ang wasak nyang love life. Sinabayan pa ng iyak.

"Okay lang yan.. Step by step malilimutan mo din sya.." pinilit ko nalang intindihin sya, kesa  sumabay pa ko sa pagkasira ng auto.

"Ang sakit! Sobrang sakit!"

Niyakap ko sya. Ewan ko. Biglaan ko nalang gustong patahanin sya. Naging malikot ang kanyang mga mata matapos ko syang bitiwan. Hindi ko din alam ang nasa isip nya nang biglaan nyang hinawakan ang kamay ko. Uminit ang likod ng mga tenga ko. Ramdam ko ang bilis ng kalabog ng dibdib ko.

"Halikan mo ko!" utos nya.

----

"Tuloy ba tayo?" tanong ko kay Janice. Walang imik. Malabo ang mukha ng telebisyon pero nakuha nya pa ding titigan lang ito. "Janice, ano alis pa ba tayo?"

Sumandal lamang sya sa balikat ko. Nag-isip na ko. Mukhang may hindi tama at siguradong may mali. Kinabahan ako. Walang nakaka-alam na may nangyari nang gabing na-stranded kami ni Rachel. Sigurado akong hindi nya kayang sabihin iyon dahil sya din naman ang may gusto.

"I love you.." bulong ni Janice.

Nawala ang kaba ko. Nahanap na siguro ng mga daga ang exit sa dibdib ko. Inabot ko ang remote control ng tv na nakapatong sa maliit na mesa. Katabi iyon ng basong pinagsidlan ng juice kanina. Pinatay ko ang tv tsaka humarap kay Janice.

"Tumawag sakin si Rachel kaninang umaga. Nag-alala talaga ako sa inyo." wika nya.

Nagrebolusyon ang tiyan ko. Biglaan nalang ang pagsakit. Pakiramdam ko'y babaliktad ang sikmura ko. Maya-maya pa'y nawalan na ng pakiramdam ang ibabang bahagi ng katawan ko. Umiikot ang aking paningin.

"Sinabi sa akin ni Rachel lahat-lahat.. Bakit mo yun nagawa?! Bakit?!" biglaang tumaas ang boses ni Janice. Nag-iba ang kanyang hitsura.

"Hindi ko sadya! Hindi ko sinasadya!" wala nang pakiramdam ang katawan ko. Lumalabo na ang paningin ko.

Dahan-dahan syang lumapit sa akin at inalalayan ako sa pagkakahiga. Takot ang naramdaman ko. Hindi sa nagawa ko, kundi sa kakaibang ngiti ni Janice sa harapan ko.

"Sampung taon! Sampu! Alam mo ba kung anong celebration?" hindi ko magawang sumagot. Paralisado ang dila ko.

"Buntis ako.."

Bago dumilim ang paligid nasagi ng mga mata ko ang baso. Nakapatong iyon sa maliit na mesa. Basa pa din ang buong katawan nito dahil sa lamig.

-end

7 comment/s:

Mafe Sumampong Garcia said...

nilason si jojo? bagay lang yun sa kanya. hihi!

borednightcrawler said...

Maganda ang kwento sir. Parang eksena lang sa telenobela. hehe

amphie said...

salamat sir! macarthur tayo :)

amphie said...

nilason nga. hindi makatotohanan ang kwento. imposibleng mangyari sa totoong buhay :)

Pinkline said...

waaaah...so morbid naman para lasunin ang mahal nya...

amphie said...

oo nga parang imposible, lalo't buntis :))

Reilly said...

Ang lupet mo sir Amph!!!
Iba ka talaga! :)

Post a Comment