Public Figure

"Late kana naman, Jose!" bulyaw ni Mrs. Reyes. Kasabay ng pagtalsik ng laway ang paglipad ng kapirasong chalk sa kinatatayuan ng binata. Mabilis itong inilagan ni Jose na naging dahilan ng pag-ugong ng tawanan sa loob ng klase.

"Ma'am maaga po ako pumasok, kaso yung guard nag-power trip na naman. Mahaba na daw po ang bangs ko at kailangan ng pagupitan," depensa ni Jose matapos pulutin ang chalk sa sahig.

"Kasalanan ng guard? Alam mo naman na kasama iyan sa rules and regulation ng eskwelahan! Neat, dapat malinis tingnan. Ang itsura dapat ay kaaya-aya"

Pagkamot sa ulo ang naging tugon ni Jose matapos sulyapan ang katabing may nanglilimahid na uniporme, punkistang buhok, at may hindi kanais-nais na body odor. Nagbalik sa normal ang klase nang magsawa si Mrs. Reyes isa-isahin ang lahat ng bawal sa eskwela, at mga pwedeng suwayin paminsan-minsan.



Luma na ang ganitong eksena tuwing umaga, pero ang mga estudyante ay hindi nagsasawang tumawa kapag hindi nila nahuhulaan kung ano ang ihahagis kay Jose, at kung paano nya ito iiwasan. Kung may pagka-kung fu man ang istilo, o may pagka edward cullen sa bilis ay siguradong hahakot ng like sa facebook ang kakat'wang si Jose.

Susundan naman iyon ng paalala ni Mrs. Reyes na tila waterfalls lang sa pagka-unlimited. Sasabihin kung anong angkop na asal ang huhubog sa isang huwarang estudyante at kapitapitagang mamayan ng bansa. Mula sa tamang pangungulangot ng hindi mahahalata hanggang sa pamumulot at paghihiwalay ng basura sa tuwing mamasyal sa Luneta. Hindi din mawawala ang payo sa pag-ibig na ang ending may linyang "unahin ang pag-aaral". Kumpleto rekado ang lahat ng pangaral.

Si Jose, isang magandang example ng estudyanteng hindi dapat tularan. Si Mrs. Reyes, isang gurong maganda ang adhikain at karapat-dapat pakinggan.

"Late kana naman, Jose!" bulyaw agad ni Mrs. Reyes. "Ano ang alibi aber?"

"Nasira po ang dryer ng washing machine namin. Kailangan ko pang itutok sa aircon ng kapitbahay at plantsahin ng mabilisan" agarang sagot ni Jose habang iniiwasan ang nagliliparang bibiluging basahan.

"Iho, maging responsable ang sagot dyan," sinundan agad ng palakpakan ng mga estudyanteng sabik sa pang-umagang katatawanan. "Mas higit pa yun sa punctuality ng isang tao."

"Huwag na huwag paiiralin ang pagiging tamad. Kailangang paabutin pa ba natin ng kinabukasan, ang kaya namang gawin ngayong araw?"

"Sabi ko nga ma'am.." mahinang sagot ni Jose habang inaayos ang sarili sa pagkakaupo.

Nakangiti ang buong klase habang giliw na giliw na nakikinig sa paulit-ulit na pangaral ni Mrs. Reyes. Sa bawat salitang lumalabas sa bibig ng butihing guro ay tila pagkaing masustansya na ninamnam ng lahat ng taga-pakinig. Tamang pag-uugali, tamang gawain, iba't-ibang sektor ng bawal at semi-bawal. Public figure na zero points ang negative feedback ang dating ni Mrs. Reyes. Araw-araw sa mata at tainga ng estudyante ay isa syang dekalibreng bigas na pangmasa ang presyo.

"Bakit ka ulit late?" pasimpleng tanong ni Billy kay Jose na nakahanap ng tyempo.

"Hindi ka pala nakikinig. Tamad daw ako"

"Yun nga ipinagtataka ko eh, ang sipag mo kaya" sa boses ni Billy halata ang pagkaseryoso.

"Ha?"

"Gabi-gabi nga kitang nakikita sa bahay ni ma'am. Ano bang ipinapagawa nya at lagi kang madaling araw umuuwi?"

Mabilis na tinakpan ni Jose ang bibig ni Billy. "Special project, hehe!"

Habang si Mrs. Reyes ay diretso ang ratsada ng bibig sa mala-palabok at gintong pangaral, para sa mga estudyanteng walang kamuwang-muwang.


-end

12 comment/s:

Archieviner said...

May lihim si Jose at Ma'am? Naalala ko tuloy nung nag-aaral pa ko lagi din akong late :) Maganda ang mga pangaral ni Ma'am

Pinkline said...

waaaaah...may special project naman pala!

new look.. nice :)

amphie said...

lately ko lang nalaman kasi na ang hirap magbasa kapag black hehe..

amphie said...

uy, baka may lihim din kayo ni ma'am ha lol. nasa mid east ka din pala idol  ..

Reilly Reverie said...

Isa nanamang mahiwagang pagtatapos!

Napakahusay talaga.. Hihintayin kong muli ang mga susunod mong katha..

amphie said...

nawili akong sa ending palagi ang kwento, impluwensiya ni panjo haha!

Rexal Rey Fuertes said...

Yun oh! Alam na. Hahahahaha Nice one sir Amp! :D Ano po pala yung image dun sa blackboard? hahahahaha

amphie said...

hindi ko din alam eh, di pa kasi tapos iguhit. baka may idea ka haha

starbuko1234 said...

naalala ko 2loy yung palabas ni adam sandler yung thats my boy =)

rrfuertes said...

 Oo nga sir, parang That's my boy. Hahaha Pantasya ng mga lalake. XD

rrfuertes said...

natatawa ako dun sa mukha nung gumuguhit, babae ba yun boss Amp? parang hindi kasi. haha

amphie said...

hindi ko pa napapanood yan, masilip nga ;)

Post a Comment