"Good work!" nakangiting salubong ng hepe. Ngumiti ng hindi nagkakalayo sa aso sabay hagis ng kapirasong envelope. "Pang-good time mo!"
Habang buhay na pagkabilanggo o pagiging asset ng mga pulis ang tanging pagpipilian ni Miko. Matangkad na lalaki. Mahaba't kulot ang buhok. Kumpleto ang kwerdas sa tagiliran at labas ang pakpak sa likuran. Dalawamput pitong taong gulang. Lulong sa shabu. Adik. Peste sa lipunan. Demonyo sa karamihan.
Hawak sa kanang kamay ang foil at sa kaliwa naman ang inoperahang lighter. Buong puso nyang sinusunog ang kaluluwa sa kapirasong puting bato na walong taon nyang sinamba. Sa maliit na dampa sa tabi ng ilog. Subsob ang sarili. Doon sya naabutan ng mga raid, tatlong buwan na ang nakaraan. Imbes na sumuko, mas pinili pang tumalon sa ilog. Mabuti na raw ang mamatay, keysa buhay ngunit pinagpipiyestahan ng mga surot sa kulungan. Mababaw ang ilog. Kung binasbasan ka nga naman daw ng malas, sa batong nakausli pa sya tumama.
Sa hospital nya nakilala si Hepe. Maliit na lalaki. Mataba. Walang pinagkaiba ang itsura sa usok na kanyang sinisinghot. Klase ng taong mas nakakatakot kapag ngumiti. Kapalit ng pagiging malaya, isang nakakagimbal na resposibilidad ang pinilit kay Miko. Kalahating milyon maituro lamang kung saan impyerno nanggagaling ang mga demonyo.
"Sir, delikado yung pinapagawa nyo sakin," tanggi ni Miko.
"Gago! Anong delikado? Bibigyan kita ng pera! Mag-shabu ka lang doon sa kuta nila, delikado ba yun?"
"Bibihira lang nakakapasok dun e!" giit pa din ni Miko. "Tsaka hindi nila ako basta-basta paniniwalaan"
"Kaya nga may pera eh! Mag shopping ka! Alam mo namang matutuwa ang management kung malakas ang sales" biro ng Hepe kasunod ng isang akbay sa balikat. "Tangnamo mabubulok ka sa kulungan! Kikintab ang rehas kung aaraw-arawin mo ang paghimas"
Tatlong buwang naglabas pasok si Miko sa bahay ng kanyang target. Pinag-aralan lahat ng galaw ng bawat miyembro. Maingat ang kanyang kilos. Hindi sya dapat magkamali. Nakuha nya ang tiwala ng mga tao. Naging kadikit pa ang drug lord. Sa huling buwan halos sisiw na sa kanya ang lahat ng impormasyon. Nagbuhay hari sya sa piling ng mahal nyang bisyo. Naging instant pusher pa ang lalaking bigtime sa katarantaduhan. Lahat ng tauhan nakatingala sa kanya. Lahat ng adik pinupuri sya. Larawan ng isang santo sa hardin ng mga taong buhay na nagmimistula ng patay.
"Sir, positive!"
"Good work!" sagot ni Hepe. inihagis ang kapirasong envelope na naglalaman ng kabayaran. "Pang-good time mo!"
Mabilis na kumilos ang kumpol ng mga parak. Nakahanda sa isang malaking operasyon. Babagsak ang ilang kilo ng shabu na kayang bumuhay ng isang baranggay ng mga adik. Ang mayamang impormasyon na galing kay Miko ang naging basehan. Agad na tumulak ang grupo kasama si Miko. Sa kanya magsisimula ang senyas kung papasok na ba ang mga pulis. Maaga nilang narating ang lugar. Tahimik na pinalibutan ang buong kabahayan. Handa na ang lahat, pati na din ang asset na may malaking share na nagbigay daan sa kanya para makasama sa hatian.
Buo't malagkit ang mga butil ng pawis ni Miko habang pinagmamasdang isalin sa isang palangganang kulay asul ang mga agimat. Nang handa na ang lahat, pasimple nyang ipinasok sa bulsa ang kanang kamay tsaka pinindot ang tawag na magiging signal para pumasok na sa eksena ang mga huwarang alagad ng batas. Ilang saglit pa'y nagkagulo na. Mabilis ang pangyayari. Nakita na lamang nya ang sariling nakasakay sa kotse kasama ng mga taong ipinagkalulo nya. Nakaposas ang kanyang mga kamay. Maraming tanong ang umiikot sa kanyang kakarampot na utak na matagal ng sinunog ng kapiranggot na usok.
"Sir, saan nyo kami dadalhin?" balisa nyang tanong kay hepe na nasa harap lamang.
"Mas bagay sayo ang paraiso, keysa sa selda" natatawang sagot nito.
Huminto ang takbo ng auto. Lumingon si Hepe. Nagblangko ang lahat ng inilabas nito ang malamig na kapiraso ng bakal sa kanyang tagiliran.
-end
4 comment/s:
uy unang post. ako rin eh, kung kailan pa bagong taon saka tagtuyot ^__^
may mga kwento na, wala lang oras sumulat :|
ay namatay si Miko? kapangalan ng crush ko hehehe...
di ko din alam hahaha
Post a Comment