Pagsipot ng kasamaan, kasunod ay kahihiyan;
Kapag nawala ang karangalan, kapalit ay kadustaan.
KAWIKAAN 18:3
Tatlong araw nang tambay ang dalaga sa makipot, madilim, at mapanghing eskenita sa may kanto ng Granada. Kung ano ang ayos nya noong unang beses ko syang nakita, ay ganoon pa din hanggang ngayon. Itinago ng dungis ang natural nyang kagandahan na mapapansin lamang kapang sya'y tititigan. Balot ng lungkot ang kanyang mga mata. Pansin ang natuyong luha na nagmistulang linya sa kanyang kaliwa't kanang pisngi. Sa unang tingin, mukhang malubak ang kanyang nakaraan.
Apat na araw nang tambay ang dalaga sa makipot, madilim, at mapanghing eskenita sa may kanto ng Granada. Huminto ako para bumili ng yosi. Inalok ko sya pero mas pinili nya ang kendi. Maaliwalas ang kanyang ngiti kumpara kahapon. Bago na din ang kanyang suot. Mas kahali-halina ang kanyang ganda na bahagyang lumitaw ng sya'y ngumiti para umarbor pa ng isa.
Limang araw nang parokyano ang dalaga sa makipot, madilim, at mapanghing eskenita. Doon pa din sa may kanto ng Granada. Manong ang naging bansag nya sa akin tanda ng panghihingi ng isang piraso ng kendi. Mas maamo ang kanyang mukha mula nang una kaming magkita. Nag-abot lang ako tsaka dumiretso. Nalimutan ko nang mag-usisa kung bakit palagi syang nag-aabang sa eskenita.
(image credit to orig uploader)
Mag-iisang linggo nang tambay ang dalaga sa makipot, madilim, at mabantot na eskenita sa may kanto ng Granada. Araw-araw na din akong nagtitira ng barya. Lalong nakakasabik kapag alam kong naroon lang sya at biglang bubulaga. Yumuko ako para abutan sya. Abot tengang ngiti ang naging sukli nya. Nag-sindi ako ng yosi, humithit, bumuga, tsaka nagsimulang magtanong. Bigo ako. Tango lang sagot sa tuwing uungkatin ko ang kanyang kasaysayan. May lalaking lumapit. Payat. May uban, at medyo matangkad. Tama nga ako. Ang kwento nya'y tugma sa aking teorya.
Hindi ko na mabilang kung ilang araw nang tambay ang dalaga sa makipot, madilim, at mabahong eskinita sa may Granada. Pero 'di tulad ng nakaraan. Malayong malayo na ang kanyang anyo sa kung paano ko sya nadatnan. Kagiliw-giliw, masayahin, at laging maayos na ang kanyang itsura. Walang pasok kinabukasan. Nagbaklas ako ng tansan sa bote ng serbesa. Inalok ko sya ng palagi nyang inaabangan sa tuwing ako'y nadaraan. Matino ang naging usapan. Nagsimula na syang magkwento. Naging madaldal. Lalo pang tumindi ang pagnanasa ko sa kanyang kagandahan. Napaparami tuloy ang naging lagok ko sa bawat tawa at ngiti na kanyang binibitawan. Nagpa-alam sya. Pinigilan ko. Pinangakong limang minuto lang at lilisan na din ako.
Wala na ang dalagang tambay sa makipot, madilim, at mapanghing eskenita sa kanto ng Granada kinabukasan. Tanging mga ala-ala na lamang ng kanyang mga ngiti ang naiwan. Umiwas ako ng tingin sa mga taong nakauniporme na kakalat-kalat. Nabitiwan ang kendi sa gulat nang may biglang tumawag sa aking pangalan. Iniwasan ko ang bawat tanong, pero matindi pa din ang kanilang hinala. May naglakas ng loob. Gamit ang daliri, itinuro nya ko bilang salarin. Umamin ako sa kasalanang hindi ko sinasadya. Ang dalaga sa kanto ng Granada, hindi na makilala ang itsura na natagpuan sa kabilang eskenita.
2 comment/s:
aw yun lang haha ang gara naman . ang hirap i predict sa una hndi iisipin tapos sa huli boom astig . thanks author
salamat din sa pagbasa ;)
Post a Comment