(image credit to orig uploader)
"Pasok ka," kahit walang reaksyon halata sa tinig ni Jose ang tuwa. "Kumusta ka naman? Akalain mong dito din pala tayo magkikita"
"Napadalaw lang po," maiksi kong sagot. Ilag sa kung ano mang tanong na may kinalaman sa aking pagkatao.
"Maiwan muna kita ha. Naroon lang ako."
Tahimik kong inayos ang aking sarili. Alam kong anumang oras ay may babagsak na luha sa aking mga mata. Ayokong makita nyang talunan ako sa huli. Sya ang pumigil sa akin noon, pero 'di ko sya nagawang pakinggan man lang. Mas pinili ko ang estado sa buhay na siguradong may ending na tulad nito. Hindi ko pwedeng sisihin ang gumagawa ng horoscope dahil sinabi nitong may nilaga sa kaunting tiyaga.
Bumalik ako sa lugar kung saan ako mismo ang nagsabing tuluyan ko na syang iiwan. Baon ang pagsisisi at masamang balita. Bagsak na mga balikat ng aking pamilya ang sumalubong sa akin. Alam na pala nila ang lahat. Naubos na nga daw ang pangaral bago pa ko dumating. Tinanggap nila ulit ako. Niyakap. Inaruga. Hindi tulad ng mga taong nakinabang lang sakin. Nakisabit lang sa byahe, at nakipaglitan ng mga pekeng ngiti at nagsabing mamahalin ako.
Natuto akong tumanggap. Nalaman kong mahirap palang maging tunay na ikaw, kung nasanay kang may mga taong laging nandyan sa tabi mo. Mga taong iiwan ka din pala kapag olats kana. Tumayo ako ng diretso. Hinarap ko ang reyalidad na ilang beses ng tumatawag sa akin. Hindi na ko tulad ng lamok na natutuwa sa kapirasong liwanag na alam kong may bitbit na panganib. Iniwan ko na ang isa pang tao sa aking loob na nangahas at nagpahamak sa akin. Nagpa-alam na ko.
"Saan ka pupunta?" pigil sa akin ni Jose. "Magsisimula na ang misa"
"Nasabi ko na po ang gusto kong sabihin. Patawad na lamang ang aking hiling"
Lumabas ako ng simbahan. Bitbit ang paniniwalang may bagong buhay na nag-aabang. May mga mukha akong nakasalubong na tila hindi na pamilyar sa akin. Iba sa mga taong nakapaligid sa akin noon. Ngumiti ako kahit hindi ko sila kilala. Pakiramdam ko'y totoo lahat sila. Bumalik ang tiwala ko. Higit, sa aking sarili.
"Julie? Ikaw na ba yan?" hinila nya ko papalabas ng simbahan. "Ano'ng nangyari sayo?"
"Nagkasakit ako. Kumusta ang trabaho?"
"Umalis na ko. Tulad mo--bagong buhay. Tsaka 'di na din bagay sa edad ko. Wala ng customer na pi-pick up sa'yo lalo't di na kayang itago ang mga guhit sa mukha mo"
-end
0 comment/s:
Post a Comment