Star Crossed

image credit to orig uploader

Kung buhay pag-ibig ang pag-uusapan sa inuman, nagsisimula palang ang ikot ng baso mas gugustuhin ko ng malasing nalang agad. Hindi na bago kung ako palagi ang pulutan sa tuwing ganoon ang usapan. Hindi na din bago na kami palagi ni Jan ang magdudulot ng tawanan sa magdamag na lasingan. Ano bang magagawa ng tulad kong  ibang klase kapag tinamaan? Hindi uso sakin ang pag-suko lalo't hindi ko pa naman nakikitang may nagmamahal na sa kanya. Sabihin nalang nating may libo-libo akong palpak na diskarte para hindi nya sagutin, at may isang moves pa kong hindi ko pa nadidiskubre para tuluyan na syang mapa-sakin.

"Apat na taon pre! Nag-asawa na yung aso namin, ikaw 'di pa din sinasagot!"

"Kailangan na tong ipa-tawas si Willie, baka sakaling mabawasan ang maligno sa katawan!"

"Huwag kang maniwala sa kanila pre! Ituloy mo lang yan hanggang sa puntong wala na syang ibang choice kundi ikaw!"

"True love yan pre! True love!"

"Lahat ng sakit may healing process.. Pero sa lagay mo acceptance na yan!"

Ngingiti lamang ako sa kanilang mga biro. Itatagay ang laman ng baso kasama ang yelo, tsaka pasimpleng iluluwa pabalik sa loob. Kung maisusulat lang sa libro ang pinagdaanan ko aabot na siguro ng limang volume. Magiging best seller ang istorya ko at hahakot ng award na may titulong tatalo sa tatlong padreng binitay. Nasanay na kong parang tetris na walang tigil ang dating ng sakit, sa tuwing nababasted ng iisang babae lang. Pero wala pa din sa diksyo ko ang salitang "don't give up on us beybi."

Naranasan ko nang lahat ng klase ng panliligaw pagdating kay Jan. Kung kukuha lang ng atensyon nya ang pagtalon sa sampung palapag ng gusali siguro, posibleng.. o baka pwedeng tumulay nalang ako sa alambre. Bakit ba napakahirap nyang paibigin? Hindi pa ba sapat na nakumpleto ko na lahat ng klase ng love letter? Pwede na kong makapag negosyo ng flower shop? o maging reseller ng mga branded na tsokolate? Natuto akong mag-gitara, mang-harana, at mag-abang ng pagtila ng ulan kakahintay sa kanya sa tapat ng kanilang bahay. Maging suki ng unlimited call and text, at higit sa lahat ay maging regular na namamanata sa mga manghuhula sa Quiapo.

"Ikaw na naman?" bungad ni Jan lunes ng umaga nang salubungin ko sya sa tapat ng bahay nila.

"Absent kaya ako ng two weeks, baka sakaling ma-miss mo ko"

"Willie, sorry talaga! Pero hindi talaga ikaw ang tipo ko e"

"Noong una, di rin ikaw ang tipo ko eh! Alam mo yun? Something, uhm.. in common"

"Corny ha!"

"Yan ang hahanap-hanapin mo sakin! Palagi mong mamimiss yung opurtyunidad na insultuhin ako"

Pipigilan ko pa sana sya sa pag-walk out kaso may naunang pumigil sa balikat ko. Hindi na agad ako nakapagsalita. Akala ko immune na ko sa pang-babasted nya sa akin, pero meron pa palang mas masakit sa pagsasabing 'di nya talaga ako kayang mahalin. Sa isang halik lang ng taong humarang sa harapan ko, parang gumuho nalang bigla ang mga pangarap kong maka-date sya sa Kalentong. Sabay silang lumakad papalayo sa akin. Naiwan akong tulala, at naghihintay ng kanilang pagsakay sa nag-aabang na taxi.

Kung buhay pag-ibig ang pag-uusapan sa inuman, nagsisimula palang ang ikot ng baso mas gugustuhin ko ng malasing nalang agad. Hindi na bago kung ako palagi ang pulutan sa tuwing ganoon ang usapan. Hindi na din bago na kami palagi ni Jan ang magdudulot ng tawanan sa magdamag na lasingan. Pero sa gabing 'to solo ko na lang tinutunaw ang yelo sa baso.

"Bakit ba ang hirap paibigin ng tulad ni Jan?" bulong ko sa inutil kong sarili.

Sumagi sa isip ko ang halik. Ang postura ng kanyang tunay na mahal, na baka pwedeng mahalin ko din kung mas una kong nakilala. Itinaas ko na ang baso. Suko na ko sa babaeng kaya kong mahalin, pero di ko kayang baguhin ang pagkatao. Ang hirap tanggapin na ang pinapangarap kong babae, ay babae din ang pinapangarap na mahalin.

-end


2 comment/s:

Aldrin Espiritu said...

Galing tlga! may naisip rin akong ikwento dahil sa title, hiramin ko trops ah?

amphie said...

sige lang ;) salamat kapanalig!

Post a Comment