Liham kay Julie

image credit to orig uploader :)

Dear Julie,

Mataas na ang sikat ng araw dito. Kahit anong gawin kong hila sa kumot, pakiramdam ko'y hinahabol nya ang bawat galaw ko. Nakakainis. Naalala ko kasi ang ngiti mo na parang inukit lang sa liwanag ng araw. Okay ka lang kaya ngayon? Ano bang ginagawa mo? Adik ka pa din ba sa pagjo-jogging sa umaga? Pangarap mo pa din bang magkasing-sukat ang balakang ninyo ni Sunshine Cruz? Kung ako ang tatanungin, mas okay na saking kasing lapad ng katawan ko ang mga hita mo. Biro lang yung binanggit kong mag-diet ka noong last nating date sa may Kalayaan. Wala lang talaga akong pangbili ng extra rice para sayo.

Nakakainip ang bakasyon. Nakakamiss ka lalo't wala akong kasama mag-see saw dito sa parke. Natatawa ako kapag nagagalit ka, at ayaw mo akong ibaba. Tumatalon pa nga ako 'di ba? Kapag umuulan, wala akong ibang ginawa kundi iguhit ang mukha mo sa namumuong hamog sa bintana. Iginuguhit ko ang pinakamaganda mong ngiti tapos lalagyan ko pa ng malaking laso ang iyong buhok. Tapos magtitimpla ako ng kape. Pagbalik ko burado na ang mukha mo, ewan ko kung sinong salarin. Tatawa ng tatawa naman si Ramon, iiling-iling habang namumulot ng mga nagkalat na nakabilot na mga papel. Mga sulat kong hindi natapos, at hindi naipadala dahil kulang ng budget.

Para akong nasa ibang mundo kapag 'di tayo magkasama. Ang isang buwan nagmimistulang isang taon kapag 'di kita nakikita. May isang buwan pang natitira. Para akong mababaliw. Hindi epektib ang marathon ng movie. Ayoko ding makinig ng musika, lalo lang bumibigat ang pagnanais kong mayakap ka na. Wala na kong ibang ginawa kundi pagmasdan yung mga huling larawan natin bago tayo maghiwalay. Ang ganda mo talaga doon sa piktyur natin sa jollibee. Ang laki ng bibig mo sa pagtawa, samantalang ako nakapikit. Kung isusulat lang ng magaling na manunulat ang kwento natin, sasabihin kong unahin sa parte kung saan nagtapat na ko sayo. Ayoko kasi yung eksena sa bus kung saan nagkasabay tayo sa pagpasok, tapos nilibre mo ako dahil galit na sakin yung kunduktor. Ayaw nyang maniwalang naiwan ko wallet ko sa bahay.

Julie, lagi mong tatandaang mahal na mahal kita. Hindi man ako showy kind of guy, marunong naman akong maglambing na parang bata. Pero dapat tayo lang dalawa para 'di magalit si Ms. Ramirez at sabihan tayong PDA ng campus. Sinasabi nilang baliw na daw ako sayo. Lalo na si Ramon. Palagi nyang baon ang linyang "nakakabaliw ang pag-ibig, kapag 'di nasusuklian ng maayos". Batukan ko nga. Hindi ba nya alam na ang pagmamahal ay di dapat sinusuklian? Tama ako, dapat parang rubbing alcohol lang. 99.9% ang itataya. 1% ang matitira, dahil ang germs kahit walang ka-sex dumadami. So, kung uubusin ko ang 99.9, yung 1 na maiiwan ay hindi mapipigilan. Parang pag-ibig ko yan sayo.

Hanggang dito nalang pala. Mahaba pa sana ang sasabihin ko sa liham na ito, kaso mas kumakatok sa pinto ng kwarto. Lunch time na siguro. Magagalit yung dalagang tinatawag nilang nurse, kapag hindi ako naging mabait. Takot pa naman ako sa injection. Dapat akong maging masunurin para matapos na ang bakasyon ko at magkita na ulit tayo. Dito nalang talaga!


 
Nagmamahal...
Ramon


4 comment/s:

disqus_hWpBArIdnt said...

si ramon na author at si ramon na tawa ng tawa kuya :o ?

amphie said...

iisang tao lang. salamat sa pagbasa! macarthur tayo!

Otakore Literantadodist said...

Good luck sa iyong pinagdadaanan.
:-)

amphie said...

salamat, buti nakalagpas XD

Post a Comment