Flamingo - Chapter 7

Wala akong salitang mahugot kahit saang sulok ng isip ko. Pabor nga sa akin ang lahat, ngunit parang may tumutulak sa akin para tanggihan iyon. Malaya na ako. Malinis na ang pangalan ko, at kahit sinong babae ay pwede nang sumakay sa mga bola ko. Natupad ang pakay kong ayusin ang gusot na ginawa ni Rica. Tulad ng dahilan ng pagpunta ko dito, iyon din ang magiging dahilan ng pag-alis ko. Ngunit sa maikling panahon namalagi ako sa Mojaeles kasama si Sarah, ay nagkaroon ako ng kakaibang attachment sa kanya. Malaki ang hinala kong may gustong mangyari si Rica, kaya nya nagawa iyon. At ang pagtuklas nalang ang pwede kong gawing alibi.

Ang tanong ay para saan? Para malinawan ako sa lahat, o para makasama pa si Sarah? Ang gulo ng takbo ng isip ko. Kung free rides lang ang utak ko marami ang aayaw dahil sa dami ng loops.

"Naisip ko lang kung sino ang magbabantay sayo, habang nasa hospital pa sila" palusot ko, habang sumasayaw pa ang mga paa sa direksyong atras-abante.

"Wala ka namang dapat alalahanin. Kabisado ko ang bahay, at umuuwi din si manang tuwing umaga. Besides pwede din naman akong mag-stay sa hospital, para magbantay kay daddy" paliwanag nya.

"Oo.. Oo nga! Pwede din yun.."

"Baka gabihin ka sa daan. Malayo pa ang siyudad"

"Meron naman sigurong lugar na pwedeng hintuan. May mga nakita akong hotel sa bayan"

Humakbang sya ng ilang beses papunta sa akin. Inaninag ng kanyang kamay kung nasaan ang aking mukha. Sa balikat ko iyon dumapo. May kakaiba sa ngiting binitiwan nya. Sa tingin ko'y malalim ang kahulugan ng isang iyon.

"You have to go.." bulong nya.

Mula ng talikuran nya ako hanggang sa mga oras na ito, ay wala talaga akong masilip na dahilan para ipagtabuyan nya ng ganun. Iniisip ko pa madalas kung bunga lang ng stress o naghahanap lang ako ng presence ni Rica, kaya ganun nalang ang saya ko ng magkita kami ni Sarah. Gulong gulo na ako. Sa mga ganitong bagay kailangan ko ng makakausap. Wala ako sa sarili. Hininto ko ang pagmamaneho ng nakarating ako ng bayan. Alas kwatro palang ng hapon, pero nagpasya na akong maghanap ng matutuluyan. Bunga na din ng sakit ng ulo dahil sa alak na matiyagang nakipag usap sa akin kagabi.

"Kahit anong kwarto basta nasa mababang palapag.." wika ko sa babaeng receptionist.

Mabagal pa yata sa usad ng pinas ang hakbang ng aking paa, habang tinatahak ang daan patungo sa kwartong ibinigay sa akin. Lipad ang aking isip, at tila hindi ko alam kung paano iyon hahatakin pabalik. Malaki ang kwarto dahil sa kaunting kagamitang nakapaloob dito. Ang mabababaw na buntong hininga na nanggagaling sa akin ang syang ingay na naghahari sa apat na sulok ng silid. Sinubukan kong aliwin ang sarili sa mga palabas sa telebisyon, pero kahit ang patok na jokes ni oprah ay mukhang hindi nakikisama. Kung sumpa lang ang lungkot sa bawat tao, natatakot akong baka wala nang lunas ito.

Inilapat ko na ang aking katawan sa kama. Sa tabi ko ang mga papeles na kanina pa umaagaw ng atensyon ko. Malinis, at detalyado ang lahat. Sumagi sa isip ko na kahit pala sagrado ang isang kasal at may basbas ito ng nasa itaas, sa huli ang tao pa din ang pwedeng sumira nito. Ang preperasyon, gastos, at pag-ibig na pinuhunan noon, ay isang pirma lang ng magkabilang panig ang katapat. Ganoon lang kabilis ang isang bagay pagdating sa batas ng tao.

---

"Hindi ka masaya sa nangyari, kasi pakiramdam mo'y parang wala kang uuwian sa maynila. Walang taong nakangiti na sasalubong sa iyo. Naghahanap ka ng presensya ng namayapa mong asawa. Wag mong sabihing nakita mo iyon sa kapatid nya?"

"Hindi ko alam.. Wasted ako nang mga panahong iyon. Kahit ang pakikipag-usap sa ibang tao ay iniiwasan ko. Madalas na akong mapag-isa nang nawala si Rica. Minsan nga naisip ko na isang gag show lang ang pagkamatay nya, at ang gusot sa kasal ang makaka-ayos nun. Nag-suffer ako sa matinding depression. Nililigaw ko ang sarili, pero sa huli bumabalik pa din ako sa simula."

"Tapatin mo nga ako Marcus.. Nagkaroon ka ba ng relasyon kay Sarah?"

"Hindi ko matatawag na relasyon ang isang iyon. Paghahanap ng kalinga pwede pa." sagot ko.

---

Ginising ako ng sunod-sunod na door bell at katok. Bumalikwas ako na salubong ang dalawang kilay. Sa lahat naman ng pwedeng ika-badtrip, ang pinakaayaw ko ay masisira ang tulog ko. Pakiramdam ko'y magigising si bruce banner kapag ganun. Mabilis kong tinungo ang pintuan, pero bago buksan sinilip ko muna ang peephole. Isang tauhan ng hotel na sa tingin ko ay may importanteng pakay sa akin.

"Sir, pasensya na sa abala. Sa inyo po ba ang kotseng nasa harapan?" magalang nyang tugon.

"Kung yung nasa harapan nga na nag-iisa. Sa akin nga! May oras ba ang pag-parking?"

"Bawal po doon sir. Kailangan nyo lang pong ilipat sa parking mismo sa likod, bawal po kasi ang mag-park sa harapan." paliwanag nya.

At kahit nag-aagaw pa ang antok ay mabilis kong tinungo ang sasakyan. Medyo malabo pa din ang paningin ko at galing sa dilim kaya inaaninagan ko pa kung sino ang makakasalubong. Nasa 1st floor lang ang kwarto kaya ilang hakbang lang iyon para matunton ang lobby. Sa huling kanto paliko, medyo blind spot.

"Sorry sir!" wika ng babaeng nakabangga ko. Inamoy ko pa ang sarili para siguruhing wala na ang ispirito ng alak kagabi.

"Sorry miss! Hindi lang kita napansin" wika ko habang pinupulot ang mga gamit nyang nalaglag.

"Marcus?"

"Elaine? Ikaw na ba yan?"

"Ano? Syempre ako to'!" pabiro nyang sagot.

"Anong ginagawa mo dito?"

"Ako yata dapat magtanong nyan, kasi dito ako nagtatrabaho. Ikaw, anong masamang hangin ang nagdala sayo dito?"

"Galing ako sa Mojaeles. May binisita lang. Teka, babalikan kita! Iaayos ko lang ang parking ng kotse sa labas" paalam ko.

Classmate namin ni Rica si Elaine noong kolehiyo. Nabanggit nyang dito sya talaga nakatira, at nag-aral lamang sa maynila. Magkasundo kami dahil magkaklase kami sa maraming subject, at sya din ang nagpakilala sa akin kay Rica. Nagkaroon kami ng magandang samahan, barkada, tropa. Pero nang matapos ang graduation, para nalang syang pulitikong matapos makadiskarte ng kung anong madidiskarte ay agad nalang nawala.

"Bakit mo naisipang dito magtrabaho?" tanong ko habang sinasabayan sya sa paglalakad pabalik sa aking kwarto.

"Malapit kasi sa pamilya ko. May edad na ang mga magulang ko, alam mo naman ang tumatanda. Kumukulit."

"Ikaw, sinong binisita mo?" naipit ang dila ko sa tanong nya. hindi ko masabi sa kanyang pumanaw na si Rica o kilala nya bilang Sarah. "May masama ba sa sinabi ko? Namumutla ka kasi"

"Ah, e break time tama? Gusto mong magkape? Medyo mahaba kasi ang kwento" anyaya ko.

"Sige!" magiliw nyang sagot.

Sapat na siguro ang isang matapang na ground coffee, para magising ang diwa ko at makapag isip ng tama. Hindi sya mahilig sa kape, kaya juice ang inorder nya. Sa isang sulok ng veranda ng hotel, na kadalasang tambayan ng mga empleyado tuwing break ay doon kami naupo. Nakaka-relax ang lamig ng hangin, kahit pa nasa summer na klima ang bansa. Sumakto lang sa timpla ng mainit na kape.

"Okay, ano bang na-missed ko sa Marcus na kilala ko?" pauna nya.

"Wala namang nagbago sakin. Kilala mo naman siguro si Sarah?" wala na akong balak na illigaw pa ang usapan, kailangan ko ng mapagsasabihan. "Pumanaw na sya.."

"Kailan pa?!" maagap nyang sagot.

"Isang buwan na sa susunod na linggo.. leukemia. ang masakit pa itinago nya iyon sa akin." kahit pa pigilin ko, kusang nagbagsakan ang luha ko. "Hindi ko matanggap ang pagkawala nya Elaine, mahal ko sya.. sobra"

"I'm sorry Marcus.. Pero kailangan mong tatagan.."

"Pero may isa pa akong problema Elaine. After the grad, nagpakasal kami ni Sarah. But huli ko nang nalaman na hindi talaga Sarah ang pangalan nya, kundi Rica.. And that's the reason kung bakit ako nandito. Hinanap ko kung sino ang Sarah na pinakasalan ko. And I found out na sa kapatid nya palang identity ang ginamit nya."

"What?! Si Sarah ay hindi si Sarah? Si Sarah na kilala natin, ay Rica ang pangalan?! Paano nangyari yun?!"

"Feeling ko nga cast ako sa isang teleserye. Okay na naman ang lahat, ipinaliwanag ko sa pamilya nya ang lahat. Naunawan naman nila, saka si Sarah. I mean yung totoong Sarah"

"Nahihiwagaan lang ako Marcus. Si Sarah.. No! Si Rica ay walang totoong pamilya. Adopted sya Marcus. Sorry.. Hindi nya ba nasabi sayo?"

"Ano? Pakihimay mo pa nga" wika ko.

Lalong nagulo ang magulong utak ko sa sinabi nya. Hindi ko na alam kung ano ang totoo, at kung sino ang paniniwalaan ko. Ni hindi pumasok sa isip ko na adopted lang si Rica. Pinatunayan iyon ni Sarah na kapatid nya. Kung may sakit lang siguro ako sa puso, ay sinugod na ako sa hospital. Binunot ko ang cellphone ko, at hinanap ang picture ni Sarah na kapatid ni Rica. Tanda kong may kuha sya dito. Ninakawan ko sya ng kuha, dahil kahit isang imahe ay wala sa kanilang bahay. Naisip ko na pwede kong magamit ang pic kung sakaling may kwentuhang kagaya nito. Alam ko kasing walang maniniwala sa ganitong klaseng kwento.

"Walang kapatid, magulang, o kamag-anak si Rica. Kung tama ang pagkakatanda ko nagpunta sya ng maynila para maghanap. Nabanggit nya sa akin yan noong isang beses na nagkita kami sa isang school seminar" paliwanag nya.

"Hindi ako sigurado sa sinasabi mo Elaine, heto tignan mo. She is Sarah, kapatid ni Rica.." Inabot ko sa kanya ang aking cellphone. sumingkit pa ang kanyang mata, habang pinagmamasdan ang picture sa phone.

"Marcus, are you sure?!"

"Oo! Magkahawig sila. Konti lang ang deperensya. Mas cute nga lang si Rica" pabiro ko, habang kinukuskos ang braso dahil sa lamig.

"Halika!" mabilis nya akong hinila. hindi ko alam kung anong sumapi sa kanya. ang kape ang unang pumasok sa isip ko, hindi ko pa natikman dinampot na agad nang isang waiter nang umalis kami.

Dinala nya ako sa isang fire exit, kung saan walang tao na pwedeng makarinig sa amin. Kung may sasabihin sya, alam kong isa iyong sikreto. Kung isang sikreto iyon tungkol sa dalawa, kailangan ko yun malaman.

"Hindi pwede ang sinasabi mo. Yang nasa cellphone mo ay ang anak ng may-ari ng hotel na ito.." pabulong nyang sinabi ang bawat salita. Hindi ko na maunawaan ang nangyayari. Habang tumatagal ang takbo ng orasan, mas marami akong natutuklasan.

"Sigurado ka Elaine? Anong pangalan nya?"

"Hindi ko alam ang pangalan nya. Hindi naman ako interesado sa company profile. Pero madalas syang pumupunta dito, kasama ng kanyang ama.." mabilis nyang sagot.

"Baka kahawig lang.. Sino ba ang ama nya?"

"Si Sir Fred! Frederick Roman!"

"Syet!"

Mula sa fire exit tinakbo ko ang aking kwarto. Hindi ko na nagawang magpaalam kay Elaine. Mabilis kong binitbit ang aking mga gamit, at tumulak sa parking area. Pakiramdam ko'y may mas malaki pang misteryong nakatago sa pagitan ni Sarah at ni Rica. Hindi na ako nagdalawang isip pa, at agad na bumalik ng Mojaeles.

4 comment/s:

Emjheyn said...

next chapter po agad please :D

Amphie said...

nasimulan ko na.. hindi ko lang matapos :D

rhed said...

waaahhhh!!! :D

amphie said...

hehehe napasigaw talaga :)

Post a Comment