"Kanina pa kita hinahanap tol!" bihis na bihis at mukhang dadalo ng kursilyo si Evan ng salubungin nya ko ng ngiti. "Bakit dito ka naghihintay?"
"Presko hangin eh, tagal pa ba sya?"
"Palabas na, napasarap yata ang kwentuhan doon sa doktor nya"
Umiling ako ng ilang ulit, "Tol, di ko yata kaya.."
"Kaya mo yan! Gawin mo lang yung mga itinuro ko sayo. Paano nya malalamang mahal mo sya?"
Oo nga naman, paano nya nga pala malalamang mahal ko sya, kung ang simpleng pagsasabi lang ay 'di ko magawa? Hindi naman pwedeng yakapin ko nalang sya bigla para iparamdam lang sa kanya. Baka maiyak pa ko't mauwi lang sa tawanan ang lahat. Tama ang kapatid kong si Evan. Mapapanis ang linyang "action speaks louder than words" kung ang pagsasabi ng nararamdaman ay may halong sincerity. May silbi talaga sya kahit sa tulad kong minsan lang din dapuan ng silbi.
"Oh, ayan na sya!"
Hinanap ko sya dami ng taong sunod-sunod na lumabas sa entrance ng hospital. Halos humaba ang leeg ko, makita ko lamang ang kanyang mukha. Hindi na napigilang lumabas ng aking ngipin ng mapansin kong papalapit na sya sa amin. Lumakas na naman ang kabog sa dibdib ko na parang may linyang dinadaan ng lindol. Umiikot sa isip ko ang mga salitang dapat kong sabihin. Alam kong magagalit sya at guguhit ang linya sa kanyang noo na nagsasabing huwag nang pag-usapan ang mga nakaraan. Pero.. walang ibang pagkakataong katulad nito. Kailangang malaman ng babaeng inaabangan ko ang mga bagay na gumugulo sa isipan ko.
Hahakbang na sana ko para mas matitigan ko pa ang mukha nya, kaso may aninong humarang sa daraanan ko. Sinira ni Jing ang moment ko. Ang yakap na nakalaan para sa babaeng mahal ko, ay naagaw na nya. Mahigpit at halos di ako nakahinga.
"Ivan! Bakit 'di mo sinabing pupunta ka? Pa-secret secret kapa, dito ka din pala pupunta!" panira talaga ng buhay minsan ang girlfriend. Kung alam ko lang na darating sya dumiretso na sana ako sa loob.
"Hi Jing! Nice to see you again!"
"Hi Tita! Nakalabas kana pala! Kamusta na po?" makailang ulit ko nang napanood ang ganitong eksena sa tuwing magkikita sila. "Ilang beses ko na pong sinasabihan itong si Ivan na dumalaw sa inyo. Aayaw-ayaw pa, yun pala pasikretong pupunta"
"Yari! Naunahan ka!" biro ni Evan.
"Gusto yatang mag-sorry, nahihiya lang!" singit ni Jing. "Hindi daw po nya talaga sadyang ma-ospital kayo. Tigas-tigas kasi ng ulo!"
Ngumiti lang sa Inay. Kung pwede lang mag-evaporate sa hiya ginawa ko na. Hindi ko naman talaga gustong suntukin ang lalaking kinakasama nya, kung 'di ko din naman sya nakitang lumuluha. Ilang beses ko na din syang sinabihang 'di totoo ang teleserye para iyakan, pero sa huli may drama pa din palang naghihintay.
"Hay naku! Hayaan nyo na yan si Ivan, ganyan lang talaga magmahal yan sa nanay nya" si Inay.
3 comment/s:
Ang galing mo talaga idol! :)
Ang ganda nito...
salamat! tamad na ko magsulat, ang sipag mo pa ding magbasa :)))
:)) Nakakatuwa kasi yung mga twist ng storya mo eh.. :)
Minsan na-sspeechless ako kaya hindi lahat ma-commentan ko.. :)Basta maganda! :)
Post a Comment