image credit to orig uploader :)
Parang mga makukulit na buni lang kung magbalik sa isip ni Oswald ang mga nangyari. Pinipilit ang sarili na wala itong kinalaman sa kanyang panaginip. Dalawang linggo nang hindi nagpapakita ang matanda sa kanyang pagtulog. Tila see-saw ang kanyang paniniwala sa pintong tutupad daw sa kanyang hiling.
Madalas na syang nag-iisa. Minsa'y kinakausap ang sarili. Kahit ang kaibigang si Wilfred ay hindi din alam ang isasagot sa tuwing may magtatanong. Iba na ang kanyang kilos 'di tulad ng dati. Ang palaging masiglang anyo, ngayo'y parang resulta ng halalan. Maraming nawe-weirdohan kay Oswald liban na lang kay Milda.
"Tulala kana naman!" panggugulat nito kay Oswald nang abutang nag-iisang nakaupo sa gilid ng stage. Matamlay na ngiti ang naging sagot ng binata.
"Ang mga mahal daw sa buhay na pumanaw ay hindi nakakatawid sa langit kapag may taong hindi daw matanggap ang kanilang pagkamatay" wika ni Milda.
Bahagyang nagusot ang kilay ni Oswald. "Hindi si itay ang iniisip ko e"
"Sino?" Umupo ang dalaga sa kanyang tabi "Ako ba?" biro nito.
Pasimpleng napangiti si Oswald. Bago pa sya makasagot bigla syang may naalala. Noo'y sa tuwing makikita nya si Milda ay halos lumabas sa kanyang bibig ang kanyang puso sa kaba. Ngunit sa sandaling iyon halos kampante syang nakikipag-usap at nakikipagbiruan dito. Sumagi na naman sa kanyang isip ang matanda sa panaginip.
"Sikreto!" si Oswald. "Kung malalaman mo kasing ikaw wala ng excitement!"
"Bolero ka din pala ha!"
"Dati nagpa-practice pa, ngayon palang sinusubukan"
"You got me!"
Masaya ang naging daloy ng kwentuhan. Pansamantalang nawala ang gumugulo sa kanyang isip. Habang tumatagal nagiging mabulaklak ang kanyang mga salita sa dalaga. Kahit sya'y hindi makapaniwala sa kanyang sarili. Nasa estado na sya ng pagtatapat kay Milda nang masulyapan ng kanyang mata ang matanda. Sa kumpol ng mga estudyanteng naglalakad sa school ground nakakakilabot ang ginawa nitong pagtayo sa kanyang harapan. Natigil ang kanyang bibig sa pagsasalita.
"Oswald?"
Kinusot ni Oswald ang kanyang mga mata. Tulad ng inaasahan nawala ang matanda.
"Ano yung sasabihin mo?"
"Nakalimutan ko e! Next time nalang ire-revised ko pa," biro nito kay Milda. Magtatangka na sanang iwan sya ng kausap nang pigilan nya ito.
"Alam mo nanaginip ako! Inalok ako ng isang hiling ng isang matanda. Gusto kong malaman kung magkakatotoo kaso kapag kinuwento ko sa iba baka walang maniwala!"
Naging interasado agad si Milda sa bulalas ni Oswald. Parang mahika na bigla nalang nagbalik ito sa kanyang kinauupuan. Nagpatuloy naman sa pagkwento ang binata. Sinabi nya ang lahat ng detalye ng kanyang panaginip.
"E anong naging kahilingan mo? Hindi mo yata nabanggit," nagtatakang tanong ni Milda.
"Secret ulit! Hindi daw pwedeng sabihin e, pero kung sasamahan mo ako bukas malalaman natin kung natupad nga ang aking hiling" ngumiti si Milda tanda ng pagsang-ayon.
Kinagabihan, nagmamadaling tinungo ni Oswald ang kanyang kwarto. Nais nyang makatulog na agad. Marami syang nais itanong sa matanda. Buo ang paniniwala nyang dadalawin sya nito dahil sa pagpapakita nito kanina sa kanya. Wala pang sampung minuto inagaw na ng antok ang kanyang ulirat.
Makapal na usok ang humarang sa kanyang dadaanan. Walang habas nyang hinawi ang mga ito. Hindi sya nagpadaig kahit ngalay na ang kanyang mga braso. Isang tapik sa balikat ang kanyang ikinagulat. Muntik na syang mapasigaw sa pagsulpot ng matanda sa kanyang likuran.
"Nasa ikalawang pinto ang pagpapatuloy ng katuparan ng iyong kahilingan.. Handa ka na ba?"
"Handa na! Pero bago ko buksan may nais akong itanong"
"Makikinig ako"
"Ang pagkamatay ba ng aking ama ay totoong may kinalaman sa aking hiling? Sya ba ang kapalit ng ika-unang pinto?"
"Tama"
"Kung ganon, sa bawat pintong aking mabubuksan ay may isang buhay na mawawala?"
"Tama"
"Sa ikalawang pinto, kaninong buhay ang matatapos?"
"Tanging ang pinto lamang ang kayang magdesisyon. Sya ang itinalaga para pumili"
"Paano kung ang aking hiling ang syang kunin ng pinto?"
Ngumisi lamang ang matanda, "Nasa likod ng ikalawang pinto ang kasagutan"
Maaga pa sa inaasahang oras dumating si Oswald. Sa harap ng simbahan kung saan walang tigil ang takbo ng mga pampasaherong sasakyan nangibabaw ang ganda ni Milda. Masigla syang sinalubong ni Oswald.
"Para saan ang aso?" agad na puna ni Milda sa asong dala ni Oswald.
"Dito natin malalaman kung magkakatotoo ang aking hiling"
"Sa aso?"
"Oo!"
"Anong gagawin natin sa aso?!" walang tigil ang tanong ni Milda na halata ang pagkasabik.
"Basta maghintay lang tayo"
Wala pang limang minuto silang naghihintay lumapit ang isang batang babaeng may panindang bulaklak. Inalok nito si Oswald. Agad na tinapunan ito ng pansin ng binata.
"Iha, wala akong pera dito pambayad sa tinda mo e. Pero may alaga akong aso dito, payag ka ba kung ipagpapalit ko sya sa iyong mga bulaklak?"
"Sige po!" hindi na nakuhang mag-isip ng bata agaran nitong tinanggap ang alok ni Oswald. Mabilis itong tumakbo papalayo sa kanila bitbit ang bagong alaga.
"Yun na ba ang hiling mo?"
"Oo!"
"Maibigay ang aso?"
"Hiniling kong makabili ng bulaklak kahit wala akong pera. Hindi pumayag ang matanda na walang kapalit kaya dinala ko ang aso namin"
Hindi kumbinsido si Milda sa alibi ni Oswald. Kahit sino'y hindi kayang maniwala. Posibleng insidente lang ang pagpayag ng bata ani Milda. "Pero kung sasabihin kong hiniling kong mabigyan kita ng bulaklak, matutupad kayang maka-date kita ngayon?" kabig ng binata.
Hindi alam ni Milda kung anong reaksyon ang sinisigaw ng kanyang mukha dahil sa tuwa. Inisangtabi ang kalokohang may katotohanan ang hiling, agad syang pumayag sa alok ni Oswald. Dala na din ng pagkamangha sa ipinapakitang ugali ni Oswald wala na sa kanya ang pagtanggi. Sa loob-loob naman ni Oswald, ay hindi maubos ang ligaya. Naalala nya ang ginawang pakikipagsundo sa matanda kagabi na bubuksan nya ang ikalawang pinto kung pagbibigyan sya nitong makasama ng buong araw si Milda. Kahit na ang kapalit ay isa sa buhay ng mga taong malapit sa kanya.
"Oswald, Milda!!" sigaw ng pamilyar na boses sa kabilang kalye. Nakangiti si Wilfred habang kumakaway sa kanilang dalawa.
Agad naman ang postura ni Oswald para mapansin nito kung gaano sila ka-close ni Milda. May halong pagyayabang ang kanyang kilos ngunit hindi ito napansin ng kaibigan. Sinigawan nya pa ito para lumapit sa kanila na agad naman sinunod ni Wilfred.
Ngunit bago pa makatawid ang kaibigan sinalubong na agad ito ng rumaragasang truck na nawalan ng balanse sa pagmamaneho. Naipit ang buong katawan nito sa ilalim ng sasakyan. Mabilis na humalik sa lupa ang mga tuhod ni Oswald. Hindi sya makapaniwala. Sa kanyang gilid ang bugkos ng bulaklak na nabitiwan ni Milda dahil sa pagkagulat.
tbc..
0 comment/s:
Post a Comment