image credit to orig uploader syempre :)
"Tang-na! May nagnakaw na naman ng tsinelas ko!" maktol ko matapos masigurong wala ang bagong biling tsinelas. "Kagabi nandito lang yun e!" sabay titig sa asong si Kulas na agaran namang tumakbo papalayo sa bakuran.
"Hanapin mo lang dyan. O baka nahiram lang ng kuya mo, umalis kaninang umaga e"
"Nag-basketball si kuya, sigurado naka-sapatos yun!"
"Gamitin mo yung mata hindi yung bibig!"
Asar na tinakpan ko ang kaliwa't kanang tenga para 'di marinig ang mga sasabihin pa ni Ermats, "Bwisit na buhay 'to! Spartan nalang tinalo pa!" bulong ko sa sarili.
Tyempo namang lumabas sa tapat na tindahan si Roy. Bunsong anak ng pamilyang bagong lipat lang sa kanilang lugar. Namuo ang paghihinala sa aking utak, dahil noong nakaraang araw ay aksidente kong nakita ang nawawalang bola sa kamay ng bata. Tanggap ko namang bola lang yun at alam kong kahit sinong na'sa ganoong edad ay maaakit lalo't naiwan lamang kakalat-kalat sa bakuran. Pero ang tsinelas na walang pinagkaiba ang nipis sa papel ay hindi katanggap-tanggap para lang nakawin.
Dali-dali akong tumakbo sa tindahan kahit naka-yapak. Pasimpleng tinignan ang paligid. Nagbabaka-sakaling may kapiranggot na ebidensyang makita. Bigo. Napaupo na lamang sa sama ng loob.
Mahirap nga namang hanapin ang bagay na nawawala. Yung tipong ayaw magpakita sayo kahit pawis na ang singit mo kakahanap. Tapos kapag nawala na sa isip mo at naka-move on kana tsaka naman biglang kakaway-kaway sayo na parang nang-aasar at nagpapa-pansin. Napahawi tuloy ako sa bangs. Langya naman e! Parang love life ko lang.
Kapag naghahanap ako ng maliligawan wala namang makita. Meron nga, taken naman! Sana lahat nalang ng babae may tag sa noo kung may boyfriend na sila o wala pa, para naman 'di masayang ang pabangong nire-rekwes ko kay Erpats sa Saudi. Tapos kalabas-labasan hindi na pala single. Sayang lang ang effort sa pagpapakilala at load. Darating naman yung pagkakataong stop over muna yung bus at pahinga muna si kupido, tapos yun naman yung time na makakatagpo ka ng single at walang bahid ng "in relationship" status. Kaso malas pa din e! May sumpa yata yung kulot kong bangs. Swerte na yung tatagal kami ng isang buwan. Makikipag-break nalang sakin late na! May mahal na palang iba. Syet! Sana bakla nalang ako.
Namataan kong pabalik na si Roy galing sa dotahan. Hindi ko napansin ang oras. Humaba na pala yung pagkukumpara ko sa tsinelas at sa buhay pag-ibig ko. Naka-sneakers! Walang spartan akong nakita. Ngumiti pa sakin ang loko. Labas yung dalawang malaking ngipin sa harap. Babatukan ko na sana sa inis kaso na'sa tapat pala ko ng tindahan nila.
"Kuya! Pahiram ulit ng bola mo" nakuha pang manghiram e.
"Wala e, dala ni utol. Pagbalik nalang tsaka mo hiramin." sagot ko habang nagkakamot ng makating talampakan.
"Sabi mo yan ha! Turuan mo na din ako mag-basketball, wala kasing magtuturo sakin e"
"Soccer ang sports ko e, pero sige! Turuan kita mag-basketball gamit ang paa" walang seryoso sa sagot ko pero ang bata mukhang nakumbisi ko. Naaliw tuloy akong makipag-kulitan sa kanya.
Lahat ng biro ko naniniwala sya. Palibahasa bata. Ako lang yata yung matandang nauuto e. Sa haba ng kwentuhan namin nalimutan ko na tuloy yung nawawala sa akin. Masyado akong nalibang kapag pinagmamasdan ko syang tumawa sa mga jokes ko. Pati hobby ng aso namin kinuwento ko.
Tumayo na ko para mag-paalam. Sakto namang may tumawag na sa kanya. Magtatanghalian na daw. Naalala ko 'di pa pala ako nagsasaing, baka magalit si Ermats. Mahirap lunukin ang bigas. Nagmadali na kong tumawid pabalik nang makita ko si Kulas. Kumakaripas ng takbo pasalubong sakin. Kagat-kagat ang tsinelas ni Kuya!
"Hayop na hayop ka! Ikaw pala salarin!" sigaw ko habang hinahabol. Kaso mabilis e. Nakapasok tuloy sa gate nila Roy. Nang maabutan ko at maagaw ang tsinelas walang habas kong ipinalo sa kanya.
"Sayo din ba 'to?" patay na sana si Kulas kaso nahinto yung final blow. Tawang-tawa at labas lahat ng mapuputing ngipin ng dalagang nakatayo sa harapan ko. Itinuturo nya ang spartan kong nawawala.
"Palaging nandito yang aso nyo," wika nya. "Laging may bitbit na tsinelas. Hindi nga namin alam kung saan galing. Ako na lamang ang nagtatabi baka kasi may maghanap"
"Sakin lahat to e," natatawa kong sagot.
"Lyka nga pala. Sister ni Roy. Nice meeting you!"
"Carlo.." sagot ko habang niyayakap si Kulas.
Magkukuwento pa sana ko kung gaano ko ka-mahal ang alagang aso, kaso sumigaw si Ermats. Hindi pa daw ako nag-sasaing nasa ligawan na ko. Badtrip.
-wakas
0 comment/s:
Post a Comment