image credit to orig uploader :)
"Ano?"
"Iwi-wish kong maging bata ulit," walang kwenta kong sagot. Kung magtatabi ang papel de liha at ang kanyang mukha parang walang pinagkaiba dahil sa weirdo kong sagot.
"Maging bata? Ayaw mo ng pera? bahay? maging artista?"
"Yung kapitbahay namin yumaman dahil tumama sa lotto pero mas marami pa ding problema 'di tulad ng pamangkin kong pagkukulay lang ng kanyang ginuhit ang iniisip. Hindi rin sya naging artista."
"Lalim ha! Ikaw na!"
Natawa lang ako sa sagot nya. Nagawa ko pa din palabasin ang pinaka-maganda nyang ngiti. Nakagawa pa din ng paraan para mag-mukhang matalino kesa sa alaga nilang parrot. Sumandal ako sa rocking chair at ipinatong ang dalawang palad sa aking ulo. Inugoy-ugoy ito habang pinagmamasdan si Toni. Wala pa ding kupas ang kanyang kagandahan. Parang hindi lumipas ang dalawampung taon saming dalawa.
Sobrang bilis ng panahon. Ang upuang kinalalagyan ko ngayon at ang terasa ng bahay nila ang tanging naluma. Sa aming dalawa walang nagbago. Hindi man lang na-upgrade laging friend. Walang pinagkaiba sa pinas mula nang bumaba si Marcos.
Si Toni, isang childhood friend. Tulad ng mga lumang kwento ng mga torpe, hindi din naka-alis sa estadong hindi mabanggit ang tunay na nararamdaman. Hindi ko alam kung bakit tumagal ng dalawang dekada na tila ako lamang ang nahuhulog sa kanya. Pero sya parang pusang kumakaway lang sa tindahan ng mga intsik. Dedma sa mga patama at pa-cute ko. Maraming pagkakataon, kaso sa dami ng patak ng ulan nakakainis isiping wala man lang akong nasalo kahit isa. Malas!
"Imagine, five years old palang tayo lagi na tayong nandito. I can't believe na ikaw pa din ang nakasama ko sa napaka-espesyal na araw na 'to" basag nya sa katahimikan.
"Oo nga e, kung may attendance lang malamang may award na ko"
"Ikaw lang?"
Napakagat labi ako sa tanong nya. Sa lahat nga naman ng pagkakataon laging nandyan din sya. Mula sa pagtuturo nya saking tumipa sa gitara hanggang sa pagpapa-alala saking parang chiks lang ang algebra na kung 'di mo paghihirapang ligawan ay hindi mo makukuha ang tamang formula. Hindi sya nakalimot payuhan ako sa mga dumaang problema. Kung tutuusin nga daig pa namin ang mag-asawa sa sobrang close sa isa't-isa. Ganun pa man, hindi din pala masusukat sa haba at tatag ng pinagsamahan. Hindi aabante ang ang isang bangka kung kaliwa o kanan lang ang sasagwan. Ang bagay na dapat ay sabay ay ilusyon ko lamang.
"Syempre ikaw!"
"Teka, 'di ka ba naiinitan sa suot mo? Kahit bagay sayo yan, yung pawis mo naman sa noo ang panira" biro nya.
"Minsan lang 'to eh!" wika ko habang pinopostura pa ang aking porma, "Dahil minsan lang ikakasal ang babaeng sobrang mahal ko.."
"Ano?!"
"Sabi ko yung mga bisita bihira lang makakita ng gwapong tulad ko"
"Yabang nito!"
Narinig kong naghiyawan ang mga bisita sa loob. Hudyat na nagsisimula na ang party. Ngumiti sya at nagpaalam na sakin. Nag-bow naman ako na parang nang-aasar na may halong pag-galang.
"Narinig ko yun" pasimple nyang bulong bago lisanin ang terasa at iwanan akong naka-nganga.
Kung masosolo ko lang ang nagdaang bulalakaw hihilingin kong maging bata nalang ulit. Hindi dahil sa walang problema o ano pa man. Gusto ko lang balikan yung mga sandaling nasayang. Baka may pag-asang ako ang maghahatid sa kanya sa magarbong altar kanina lamang.
-end
0 comment/s:
Post a Comment