Ma'am

image credit to the owner


 
Sa buong buhay natin meron talaga tayong nag-iisang hindi natin magawang kalimutan. Yung tipong The One That Got Away.. Yung mag-iiwan ng marka sa ating puso na kahit saan man tayo mapadpad ay hinding hindi natin kayang ipagpag na lamang. Solid. Kikiligin ka sa tuwing dadaan sa likod ng iyong isipan kahit pa lulan ka ng bus sa kahabaan ng trapik sa Edsa.

Sa kaso ko, si Melinda. Siya yung akala ko noon pang-habang buhay ko na. Yung napapabulong ako sa sarili na hindi kami mapag-hihiwalay ng kahit na sino, kahit pa pasukin ng isis ang Pilipinas.

"Ma'am, excuse, nakapila ka pa ba?" tanong ko sa kaniya. Pinaka best ko ng linya para mapansin nya ko, "Uy! ikaw pala yan!"

"Albert! Kamusta? Nako tumaba ka ha!"

Akalain mong kakain lang sana ako ng pares sa terminal ng bus tapos bigla ko siyang nakita. Sabi nga ng mga millenials, itinakda pero hindi itinadhana. Late ko na na-absorb yung tumaba daw ako, magagalit pa sana kaso ang ganda ng ngiti niya.

Wasak

 (image credit to orig uploader)

Nahuli ko si Nene. Pilit na namang itinatago yung kabiyak ng aking tsinelas doon sa ilalim ng terasa ni Mang Ipe. Humagikgik pa matapos punasan ang natuyong sipon sa pisngi. Tumayo ako sa magandang pagkakaupo para habulin siya. Hindi pa ako nakakalapit nagtangka na siyang umiyak, dahilan para ako ang lumabas na masama. "Pilya talaga itong si Nene", bulong ko sa aking sarili.

Alas kwatro ng hapon nagsisimula ang mga pelikula sa bahay ni Mang Ipe. Maaga pa'y nakapwesto na ako para hindi maunahan ng ibang bata. Hindi pa uso ang telebisyon noon sa mga kabahayan, at tanging si Mang Ipe lamang ang mayroon sa lugar namin. Regalo ng kaniyang anak na nasa ibang bansa. Palibhasa'y walang kasama sa bahay, hinahayaan niyang mapuno ito ng mga batang katulad ko.

Magulo ngunit masaya. Pwera nga lang si Nene na iba talaga ang trip. Ilang beses na niyang tinangkang itago ang aking tsinelas. Sa dinami-dami ng mga tsinelas na magaganda, iyon pang sa akin na isang taon bago palitan ni Inay ang kaniyang gustong bigyan ng sistensiya.

"Akin na nga iyan!" bulyaw ko sa kanya noong isang beses na napikon na ako. Akma pang pagbubuhatan ng kamay, ngunit napigilan na naman nang bigla itong umiyak. "Sige umiyak ka," wika ko, pilit kong inagaw ang aking tsinelas. Nang makahanap ng pagkakataon iyong kaniya ang aking kinuha at itinakbo.

"Susumbong kita Dave!"

"Sige lang! Wala naman ang nanay sa bahay," natatawa ko pang sagot.

Initsa ko sa ilog ang tsinelas ni Nene. Pinilit ko pang lakasan ang aking tawa para iparamdam kay Nene na ako'y masaya sa aking ginawa, Habang siya'y may nag pi-fiestang luha sa mukha.

"Sa susunod na itago mo ulit ang tsinelas ko, itatapon ko ulit ang sa iyo." pagbabanta ko bago akmang aalis.

Hinawakan ni Nene ang kamay ko.

Nahinto ang aking mga paa.

"Sorry na," pabulong niyang sabi, "Magagalit sa akin si Mama."

Huli na nang mapagtanto kong ginugulpi ako ni Itay dahil nabalitaang naglublob ako sa ilog. At lahat ng iyon ay dahil sa kapilyahan ni Nene.


********

Taym Matsing (250 words challenge)


Lahat ng lente ng kodak ay naka-abang. Lahat ng mata ng sambayanan ay na sa kuwadradong kahong nagbibigay kaalaman. Mismong ang Pangulo ng bansa’y hindi na mapakali sa kaniyang inuupuan. Lahat ay naiinip habang nag-aabang.

Taong 2020 nang naimbento ang aparatong kayang maglaro ng oras. Kauna-unahan sa mundo, ng isang pinoy na henyo. Si Art, bilang isang imbentor, siya na rin ang naatasang sumubok. Iisa ang kanyang misyon simula noong umpisa. Walang iba kundi hanapin si Hesus Kristo.

“Mr. President!” wika ng alalay ng pangulo, “Nagsimula na ang paghuni ng aparato!”

Palatandaang pabalik na si Art sa kabihasnan. “Ihanda ang media!” utos ng Pangulo, “At ang kape ko’t maintenance!” kasabay ang pagsilip sa kanyang bank account. Napangiti nang biglang tumaas ang mga numero.

Umilaw ng pagkalas ang aparato. Nanginig ng ilang ulit bago nito iniluwal si Art. Lahat ay tulala. Lahat ay hindi makapaniwala. Kasabay ng paglabas ni Art ang isang lalaking may kahabaan ang buhok at putting puti ang suot.

Batid sa itsura ng dalawa ang tila hirap na dinanas. Kung anumang nangyari’y wala ni isang nakaka-alam. Dahan dahan silang naglakad sa nag-aabang na entablado. Sa harapan ng mga taong noong umpisa’y mga kritiko. Akay nya sa kaliwang kamay ang lalaking walang pangalan at nagsabing..

“Mga kababayan! Na sa harapan ninyo ang taong maraming ulit na naglaro sa ating mga isipan!”

Nagpalakpakan ang lahat. Nagkaluto’t umusbong ang masigabong sigawan.

“Siya! Siya si Hesus!” matapang ang kaniyang tinig.

Bumulong ang lalaki kay Art, “Sir, dagdagan mo talent fee ko ha..”

Social Media

image credit to orig uploader

Tinalo ng boses ni Aling Temy ang ilang bote ng alak na itinumba ko kagabi. Sa sobrang lakas ng kaniyang sigaw, kahit ang alaga kong nakatindig ay biglang humandusay na lamang.

Agad akong bumalikwas sa kama. Hinagod ang gusot na buhok at panis na laway. Kinapa ko ang tsinelas gamit ang paa, at saka napagtantong kulang na ito ng isa.

"Anak, bumangon ka na!" sigaw ni Ermats, "Nagkakagulo sa labas!"

Marahan kong sinilip sa bintana kung ano ang mga kaganapan sa kalye naming abnormal na maituturing, kung bigla na lamang naging tahimik. Sinabayan ko ng higop sa kape at hithit sa yosi ang mga ginang at kabataang tila may welga.

Yung lugawan sa tapat ng bahay namin na langaw lamang ang nabebenepisyo ay bigla na lamang dinumog ng mga moso't mosa. Tuwang tuwa naman ang tindera't naubos ang kaniyang paninda.

Pritong Isda - Maikling Kwento

(image credit to orig uploader)

"Kanina pito ito 'di ba?" may galit sa boses ni Ama habang itinuturo ang piniritong isda sa hapag kainan gamit ang sigarilyong kakasindi pa lamang, "Nasaan yung dalawa?"

"Tinangay ng pusa," sagot ko. Abala ang aking malay sa panonood ng telebisyon, sa posisyong nakapatong ang dalawang paa sa maliit na bangkito, nakasandal ang ulo sa dalawang palad, "Sinaway ko, kaso ang bilis tumakbo.."

Kung mabilis ang pusa, 'di hamak na mas mabilis ang kamay ni Ama. Hindi ko namalayang kasunod pala ang isang batok kahit hindi pa ko tapos sa pagpapaliwanag. "Punyeta!" wika ni Ama, "Iyon na lang ang gagawin mo hindi mo pa nagawa ng maayos!" Bumalikwas agad ako ng tayo. Sarado ang aking kamao. "Lalaban ka?"

Si Spongebob, Ang Pilyong Lobo (Dagli)

Tirik ang araw ngunit maagang nagpaulan ng 'di magagandang salita si Mang Romeo. Paano ba nama'y wala pang benta e nalugi na agad sya ng kwarenta pesos, matapos kusang kumalas sa pagkakatali ang lobong hinulma sa karakter ni Spongebob. Matalim pa ang tingin sa driver ng sinasakyang jeep nito. Nilagari raw kasi ng kaskaserong driver ang hindi agarang napansing lubak sa kalsada. Nagsipaglundagan ang tindang mga lobo kasabay ng pagtalbog ni Mang Romeo sa duluhan ng jeep na kanyang inuupuan.

Mayroong mga natatawa, at meron ring naasiwa, may walang pakielam at may isang estudyanteng hindi nakapagpigil sa ingay.

Dahan dahan nitong isinara ang librong kanina pa niya binabasa. Waring may sasalubungin gyera ng lapis at papel pagdating sa ekswelahan at kinakailangan ang matinding konsentrasyon, ngunit nasira ang moment nang mag tantrum si Mang Romeo.

"Magkano po?" wika ng Estudyante sa mababang tono.

"Ha?! Ang alin?" nagtatakang sagot ni Mang Romeo.

"Yung lobo.." agad itong nangapa sa kanyang bulsa para hanapin ang pera, "Iyon pong nalaglag.."

"Babayaran mo?"

"Opo Manong"

Larawan


"Julius? Bakit ngayon mo lang sinagot?" galit ang boses ni Boss sa kabilang linya, "I-send mo na sa akin yung latest photoshoot ni Angel. Umaga pa lang kinukulit na 'ko dyan, at siguradong sa atin ang bagsak ng sisi kapag na-delayed ang release ng February issue."

"Yes sir! Ngayon na po mismo. Medyo na-late lang kami ng crew matapos sa set.." mahinahon kong sagot. May bahid ng pinakamatamis na ngiti sa labi habang pinagmamasdan ang mga larawan ni Angel, sabay click sa send. Totoo, ito na nga ang pinakamagandang larawan ni Angel na kinuhanan ko.

"Saan mo ba ko dadalhin?" tanong ni Angel. May halong inis at pagtataka, "Naku Julius ha! Kapag 'di ko nagustuhan tong plano mo, nakikita mo tong suot kong high heels?"

"Malapit na tayo," tumingin ako sa wrist watch ko, "Mga limang minuto na lang."

Bisikleta

(image credit to orig uploader)


“Pa! Papasok ka na?!” pigil ni Renz sa kanyang ama na akmang lalabas na nang pinto, “Hindi ba sabi mo sasamahan mo pa akong mamasyal sa parke? Tapos tuturuan mo pa akong magmaneho ng bisikleta?”

Napahinto si Tonton. Hindi nya inisip kung kailan nga ba siya nangako, kundi kung ilang beses na ba nyang sinabi iyon kay Renz ngunit palaging hindi natutuloy. “Babawi na lang ako. May importante lang ngayon sa trabaho at kailangang naroon ako.” Palusot nya.

Tumango na lamang si Renz. Alam na kasi nyang kahit magpilit siya ay hindi ito mapag-bibigyan ng kanyang ama. “Sige sa susunod na lang po..”

Sumakay si Tonton na may bigat sa kanyang dibdib. Palibahasa’y nag-iisang anak si Renz kaya kailangan nyang mag-sipag para sa kinabukasan nito. Alam nyang hindi sasapat ang limang araw na kita para sa pangangailangan nilang mag-ama, kaya sumasabak sya kahit sabado at paminsan ay sumisingit sya sa araw ng linggo.

Masahe

(image credit to orig uploader)


Totoo nga ang kwento ni Mike. Akala ko'y madadala na naman ako sa goodtime nya, ngunit nang biglang sumulpot ang masahista sa makitid na kurtina, e parang biglang umakyat ang dugo ko at nag-recycle ng mabilis sa loob ng katawan. Paano ba naman? Eh halos kasing hulma ng katawan nito ang coke. Kasing puti ng mga dayuhang napapanood ko sa internet, at kasing bango ng sanggol na bagong ligo. Tatalunin din nito ang 13 month pay ko dahil parang sobra-sobra pa sa bonus ang suot nyang pulang bikini.

Hindi na lugi ang wan-payb para sa serbisyong nakakapagpa-relax ng katawan. Ika nga ni Mike, kapag malapit na raw matapos kusang nag-aalok raw ng extra service ang mga 'to. Aba'y hindi pa siguro mag-uumpisa ako na ang magkukusang loob.

"Miss, yung pinaka hard.." nakangiti kong bulong.

"Sige po sir."

"Samahan mo na rin ng extra service.. Ako na bahala sayo.."

Ngumiti sya at sinimulan sa aking binti. Akyat baba sya ng paulit-ulit. Sa paa, braso, likod, hanggang makarating sa aking ulo. Maya-maya pa'y magkaharap na ang aming mukha. Nakikipag-unahan ang mga kabayo sa aking dibdib, na hindi gaano makahinga dahil nakapasan na rin ang sa kanya. Humalik ako for the sake of makapag-release lamang ng tensyon. Ganoon rin ang ginawa nya. Langit na ang kasunod. Napaka-sarap ng aking tulog.

Ginising na lamang ako ng mga boses na hindi pamilyar sa akin. Dinilat ko ang aking mga mata. Malabo. May sundot ng pagkahilo. May lalaking disente ang pananamit. Sa harap nya si Mike. Tila nagtatalo. Gusto kong tumayo ngunit hindi ko na maigalaw ang aking katawan. Hinang-hina. Napansin iyon ni Mike. Lumapit sya sa akin. Bumulong.

Holdap


Nagmistulang dagat ang kaninang butil-butil ng pawis sa noo ni Edmund. Kanina nya pa pinag-iisipan kung manglalaban ba sya o isusuko na lamang lahat ng nilalaman ng kanyang wallet. Wala halos matitira sa kanyang inaabangang sahod sa loob ng labinlimang araw. Kinalumutan nya na rin yung pinag-iipunan nyang branded na pantalon sa mall na ilang ulit nyang binabalikan at sinisilip-silip.

"Sa likurang bulsa?"

"Wala na! Nasa iyo na lahat!"

"Yung sa kaliwa ang tinutukoy ko!"

"Pero?"

"Walang pero! Akin na yan!"

Dinukot nya ito. Sumilip ang limang daang piso na may mas pinalungkot na mukha ni Ninoy Aquino. Mabagal ang kanyang kamay sa paghatid sa pwersahang humihingi. "Akin na sabi e!" agad itong inagaw sa kanya. Wala na syang nagawa. Hindi madadaluyan ng serbesa ang kanyang lalamunan ngayon gabi. Hindi sya makakadaan kay Aling Bebang para umorder ng paboritong sizzling sisig. Mas sumayad sa lupa ang kanyang baba.

"Maibibigay mo naman pala lahat e, ang dami mo pang satsat!"

"Maawa ka naman.." bulong nya.

"Maawa mo mukha mo!" sagot ng kausap tsaka sya nilayasan. Sumayaw na lamang pakaliwa't kanan ang kanyang labi, buntot ang pagkamot sa ulo.

Biglang lumundag sa kanyang hita ang kanyang tatlong taong gulang na si Nina. Dahan-dahang inangat ang maliit na palad. Senyales na bente pesos na ngayon ang minimum sa mga kabataan. Napasimangot si Edmnd.

"Isa ka pa! Doon ka sa mama mo humingi, ayun kaka-alis lang!"

Happy New Year! (Mga Dagli)

Media Noche

Marahang inihatid ng mga bisig ni Maria ang tatlong buwang gulang na anak sa hihimbingan nitong duyan. Inugoy nya pa ng ilang ulit para siguruhing magiging payapa ang tulog nito, tsaka nya inipit ang isang bote ng tinimplang gatas sa gilid ng unan para hindi nya makalimutan kung saan nya ito hahanapin kung sakaling magising sa ingay ang sanggol.

Abala ang mga tao sa pag-iingay sa pagsalubong sa bagong taon. Abala rin si Maria sa paghahanda ng munting pagsasaluhan nilang mag-asawa. Spaghetti, Macaroni Salad, at isang order ng Leche Plan na galing kay suking kumare. Aligaga sya sa pagkilos. Malapit na kasing maghiwalay ang luma't panibagong taon sa susunod na dalawang oras. Hinahabol nya rin ang pagdating ni Mister na may aabutan nang pagkain sa hapag kainan dahil galing pa itong trabaho sa Bulacan.

Hindi sya nabigo. Natapos nyang lahat ng gawain bago pa dumating ang kanyang asawa. Isang mahinahon na katok. Dahan-dahan nyang binuksan. Isang malaking ngiti ang salubong ni Mister na may dalang isang supot ng Pancit. Kasabay ng pagyakap ang malalakas na ingay na likha ng mga paputok sa labas.

Umingit ang sanggol na nasa duyan. Bahagya nyang sinilip. Napailing. Malamang nagising ito sa ingay. Napansin nyang tumutulo ang gatas na kanyang itinimpla sa ilalim ng duyan. Duda nyang nabangga iyon ng bata. Dahan-dahan nyang nilapitan. Ang inakala nyang puting gatas ay kulay pula. Nagmadali ang kanyang mga paa. Kasabay ng pagpatak ng dugo ang kanyang mga luha. Tumingala sya upang kumpirmahin ang butas kung saan lumusot ang bala.

Sumabay sa ingay na likha ng paputok ang iyak ng mag-asawa.

Caroling

Lalong ginanahan si Mang Abner sa pagkaskas sa mga kwerdas ng gitara nang sunod-sunod na kumalansing ang kanyang maliit ngunit malalim na lata. Kahit hindi nya tignan alam nyang malapit na itong mapuno. Palibhasa'y maganda ang pagkakasunod-sunod ng kanyang medley. Baon nya ang makakapag-paindak na mga kantang pamasko. Pulos bago na siningitan ng luma ngunit patok pa rin sa pang-lasa ng mga tumatawid sa tulay ng Guadalupe.

Bwenas daw talaga kay Mang Abner ang buwan ng Disyembre. Bukod sa pagbabanat ng buto sa umaga ay nakakaraket pa sya sa gabi. Kung tutuusin nga'y naging doble sa normal na noche buena ang kanyang naging handa sa pamilya, at nais nya pang maging mas malawak ang pagkain sa hapag kainan ngayong papalapit na Bagong Taon.

Isang kanta, may naghulog ng barya.

Dalawang kanta, walang tunog. Malamang higit pa sa singkwenta.

Tatlong kanta, naaninag na nya ang Fruit Salad sa mesa.

Patapos na sya nang dumaan ang tumpok ng magkaka-klaseng ginabi sa eskwela. Malayo pa lamang alam nyang nginingitian na sya ng mga 'to. Ibinalik nya sa pwesto ang gitara. Inilatag nyang muli ang lata. Tinipa ang letrang Dm at tsaka malaking ibinuka ang kanyang bibig na handa na sa pag-kanta.

Kumalansing ng doble ang lata. Lalong ginanahan si Mang Abner. Nakakapagtaka nga lang at biglang nagpulasan ang mga estudyante. Sinundan nya ng tingin habang dinudukot ang laman ng lata. Kasabay ng pagdukot nya sa barya ay ang pagyakap ng kanyang kamay sa nag-aabang na disgrasya.

Napa-indak si Mang Abner.

Pumutok ang Pla-Pla.

Humagis ang mga barya.

Parol

Pinili ni Roel ang pinaka-mahal na Parol na kanyang naabutan sa batang tindera. Medyo modelo na kinakailangan pang isaksak sa kuryente para ibigay ang napakagagandang kulay na sigurado syang maghahatid ng saya sa labi ng kanyang anak na si Rica. Nagmadali syang sumakay ng dyip para habulin ang paghihiwalay ng taon. Halos matawa ang kanyang mga kasabay. Bitbit nya ang parol gayung tapos na ang pasko. Hindi nya ininda. Malayo kasi ang Ilocos sa Maynila kaya ang hiling ng kanyang anak ay ngayon nya lamang matutupad.

Naabutan nya si Rica sa bakuran. Nasa kanang kamay ang lusis habang nasa kaliwa naman ang pansindi. Napansin sya kaagad nito kaya mabilis nyang itinago sa kanyang likod ang malaking regalo.

"Papa!" bulusok ang takbo ng bata na sinabayan ng lukso at yakap, "Akala ko hindi ka na darating e! Nasaan ang Parol?"

Dahan-dahang ipinakita ni Roel ang mamahalin at modelong Parol kay Rica. Hindi maiguguhit ng kahit sinong pintor ang tuwa sa mukha ng bata. Inalalayan nya ito papasok ng bahay. Bilang ganti, inalalayan din ni Rica ang kanyang Ama sa pagtatanggal ng sapatos.

"Nasaan nga pala ang Mama mo?" nakangiting tanong ni Roel habang kinukuskos ng palad ang buhok ni Rica.

"Na'sa kwarto po, kasama si Ninong." tipid nitong sagot.

"Ano?"

"Magpapaputok daw po sila.."

At tulad ni Mang Abner at Maria, sumabay sa ingay ng mga paputok ang galit ni Roel.









Happy new year! :)

Fishball

Gamit ang pulang pentel pen, naisulat na ni Jen ang sagot nya sa tanong kong halos limang taon nang naghahanap ng sagot. Hindi sa papel kundi sa kaliwang braso kong naka-semento. Gusto ko sanang silipin dahil excited na ko, kaso bawal pa daw hangga't hindi pa sya umaalis.

"Kung 'di ka pa madidisgrasya siguro hindi ka uuwi ng Pinas.." bulong nya. Alanganing nalulungkot at alanganing naghahanap ng simpatya ang kanyang mukha.

"Hindi ah!" diin ko, "Kailangan lang talaga ng dedikasyon sa klase ng trabaho ko. Alam mo namang hindi basta pwedeng iwanan ang duty.."

"Swerte naman ng trabaho mo, may dedikasyon.."

Hindi ako kumibo. Nahulaan ko na kasi ang kasunod. Matagal nga naman ang limang taon. Sa isang sundalo, maituturing na normal, ngunit sa tulad ni Jen na mas mahaba pa ang pilik mata kesa sa kanyang pasensya, malamang matinding sakripisyo ang kanyang ginawa.

Minalas ako sa huling operasyon ng grupo kaya baldado ang aking kaliwang braso. Swerteng nabuhay kami sa engkwentro, malas namang tumaob pababa sa paanan ng bundok ang sinasakyan namin habang kami'y pabalik na nang kampo. Pito sa amin ang binawian ng buhay. Apat naman ang lubhang nasugatan. Maituturing pa rin na mapalad ang naging hatol sakin ng Diyos, ikumpara sa isang kabaro kong hindi na alam ang kanyang pangalan matapos ang aksidente. Lucky charm ko daw si Jen sabi ng nurse na nag-alaga sa akin ng isang linggo bago ako lumipad pauwi.

"Mas maigi na 'to,” tukoy ko sa aking lagay, “at least mahaba ang magiging oras ko sayo. Babawi ako."

"Paano?!" naging excited ang kanyang tinig na parang batang nagulat nang matanaw ang parating na sorbetero.

"Food trip tayo sa Baguio, romantic date sa Vigan, swimming naman sa Calaguas, at sight seeing sa Bohol. Pero mas maganda kung mag fishball muna tayo kela Aling Tinay."

"Loko! Na-miss mo no?"

"Sobra! Hindi ko pwedeng ipagpalit ang fishball sa kahit anong pagkain sa mundo."

"Tara!"

Lucky charm? Siguro nga.

Yung mga sandaling pabalik na kami ng kampo bago maganap ang aksidente. Nakakagulat na bigla na lamang sumipa sa isip ko ang mukha ni Jen. Napakaganda nya. Bumilis agad ang kalabog sa dibdib ko. Nag roll back lahat ng ala-ala. Yung mga neurons na nagre-represent ng buong pagkatao nya bigla na lang nag-welga sa utak ko. Tsaka ko lang napagtanto na kailangan ko na palang umuwi, tapos biglang nag zig-zag yung takbo ng auto. Pumikit ako bago pa kami gumulong.

"Aling Tinay pakituruan nga itong si Jen mag-prito ng fishball na kasing katulad ng sayo, para kapag kasal na kami may maipagyayabang na ko!" biro ko kay Aling Tinay.

"Huwag po kayong maniwala dyan! Hindi pa nga nagpo-propose e!" bawi ni Jen.

"Hindi pa? Aba'y katagal naman. Sige ka baka maghanap na ng iba yan!" segunda naman ni Aling Tinay.

"Sobrang bagal po e! Isipin nyo po high school pa kami parokyano ng fishball nyo at hanggang ngayon hindi nya pa rin ako niyayayang lumagay sa tahimik."

"Hindi po totoo yan! Ang totoo po kasi binabalak ko na nga mag propose. Hindi ko lang po alam kung paano ipagkakasya ang singsing sa fishball."

Namayani ang tawa. Nasilayan kong muli ang pinaka-magandang ngiti ni Jen. Ngiting hinanap-hanap ko sa limang taong pagkakawalay sa kanya. Gusto ko syang yakapin. Yung sobrang higpit, kaso biglang nawalan ng space ang kanyang kilay, "Loko ka talaga! E kung malunok ko yun?"

"Plano palang naman e."

Noong magising ako puti na ang kulay ng langit at hindi na asul. Inakala kong sumakabilang buhay na ko hanggang sa magsalita ang amerikanong doktor. Kisame pala ang nakikita ko. Mula noo, balot ng bandage ang ulo ko. Meron ding bagay na sumusuporta sa leeg at sementong nakabalot sa kaliwang braso.

Tinalo ng pag-iisip kung nakarating naba kay Jen ang balita kesa sa nararamdaman kong sakit. Malamang bubuhos ang luha sa kanyang pisngi. Bagay na ayaw kong makita. Kwento ng nurse, madalas daw akong managinip. Paulit-ulit ko raw binabanggit ang pangalan ni Jen. Hindi na raw sya magtataka kung iyon ang nobya ko. Kaya nya siguro nasabing si Jen ang lucky charm ko.

Takipsilim. Pahalik na ang dilim nang magdesisyong ihatid ko na si Jen. Mas pinili naming maglakad kesa sumakay. Mabigat na dahilan ang trapik at maigi sa katawan ang exercise para mapapayag sya, kahit na ang totoo ay gusto ko lang talagang ma-extend ang oras na kasama sya.

"Bakit tahimik ka?" tanong ko kay Jen.

"Wala.."

"Ang taong tahimik palaging may iniisip."

Huminto sya sa paglalakad, ngumiti, at humalik sa aking pisngi, "Harold, please stay."

"I'll stay," nakangiti kong sagot.

"Sure ba yan?"

Yakap ang naging sagot ko. Senyales nang pagsang-ayon. Mahigpit, makabuluhan, malalim, may pagmamahal. Tinapik nya ang likod ko. Lalo ko lang hinigpitan. Isa, dalawa, tatlo. Sunod-sunod na tapik. Kumirot ang aking ulo. Lumakas ang tapik na may kasama nang hindi pamilyar na tinig.

"Sir? Sir?"

Idinilat ko ang aking mga mata. Tuloy pa rin sa pagyugyog ang nurse sa aking balikat, "Sir?"

Pumasok ang doktor sa kwarto. Sumunod ang isa pang nurse na may bitbit na clipboard. Marami silang tanong. Yung iba normal. Yung iba hindi pa ma-absorb ng utak ko. Wala pa ko sa ulirat. Naiintindihan ko ang pinag-uusapan nila. Wala lang ako sa mood sumagot. Inutusan ni dok yung nurse na gumising sa akin para alalayan akong umupo.

Sa gilid ng kama, pinagmamasdan ko ang aking paa. Sa isip ko okay lang naman pala kahit kulang ng isa. Yung kaliwang braso ko ganoon pa rin ang itsura. Sementado pa rin. Kinapa ko sa aking ulo kung saan galing ang kirot. May malaking sugat na sa wari ko'y malapit nang maging peklat. Yung umalalay saking nurse halata sa mukha nya ang awa. Nginitian ko lang sya para ipahiwatig na okay lang ako, tsaka nya hinilera yung mga iba't-ibang gamot. Iba rin ang kulay at hugis sa bawat isa. Yung isa naman tuloy pa rin ang pagsusulat sa clipboard. Lahat nang sinasabi ng doktor inililista nya. Pasimple nya lamang akong tinapunan ng tingin tsaka bumalik sa ginagawa.

"Sir," hinawakan ng doktor ang balikat ko, "Same dream po ba?"

"Oo.."

"Malapit na po kayong lumabas ng hospital. May I ask kung may naaalala na ba kayo sir?"

Gamit ang pulang ballpen na hiniram ko sa nurse, maingat kong isinulat ang sagot sa tanong ni Dok. Hindi sa papel kundi sa kaliwang braso kong naka-semento. Excited nyang sinilip. Ngumiti sya tsaka ako kinamayan.

Tatlong letra.

 Jen.

"Call his wife." utos nya sa nurse.



-Wakas





Opisyal na lahok sa Saranggola Blog Awards 2014 sa kategoryang Maikling Kwento




Balita

Makapal ang taong nakapaligid sa kanto ng Boni Ave. at Sto. Rosario sa Mandaluyong, matapos ang shoot out sa mga hinihinalang riding-in-tandem. Hindi malaman ng mga kinauukulan kung paano nila hahawiin ang mga tsimoso't tsismosa na lubhang nakaka-abala na rin sa daloy ng trapiko. Uhm, idagdag na rin ang mga auto ng mga pulisya na ginamit upang maharang ang mga kinikilalang mga kriminal.

Nakahandusay at halos wala ng buhay ang dalawang lalaking kinilala sa pangalang sina Rogelio Trinidad, 24 na taon, at si Cesar Lintao, 34 na taong gulang. Mga pawang walang love life ang mga ito dahil sa mga identipikasyong nakuha sa kanilang mga wallet na may naglalaman ng Php350 (kung pagsasamahin) pesos na bigla na lamang sinilid ng isang pulis bilang kapalit sa tumagaktak nyang pawis kakahabol sa dalawa.

Ayon sa saksing si Ginang Malou, na'sa gitna umano sya ng mainit na tsismisan sa kanyang mga kapitbahay nang bigla na lamang 'di umano'y may narinig syang sigaw ng isang babae sa tawid na kalsada. Out of curiousity, ibinato nya agad ang bitbit nyang pandesal sa pag-aakalang isang mahalagang spoof ang kanyang makukuha.

Reporter: "Nasaan po ba kayo noong mga oras na yun?"

GM: "Ayun nga! Basahin mo sa taas!"

Reporter: "Ah, e ano ho ba mismo ang inyong nasaksihan?"

GM: "Ayun nga! Pilit inaagaw noong isang lalaking yun (itinuro yung isang lalaking nakahandusay), yung hawak nyang bag. Ayaw nya talagang ibigay! Siguro malaking halaga ang laman noon.. Tapos yung isang lalaki namang nakasakay sa motor bababa na sana sya. Gusto yatang tulungan yung lalaking kasama nya, kaso bigla akong sumigaw.."

Reporter: "So, ibig sabihin sa inyo ho na-alarma ang mga 'to? Tama po ba?"

GM: "Yes! Opkors! Sa lakas ba naman ng sigaw kong umabot ng munisipyo, e agad rumesponde yung mga pulis! Naku! Kung ikaw ang nakakita, hindi ka talaga maniniwala. Mabilis talaga ang aksyon nila!"

Reporter: "Ano pong nangyari pagkatapos?"

GM: "Yun na nga. Tatakas sana yung dalawa kaso agad silang nahabol tapos agad silang pinagbabaril. Ito! (tinuro yung pulis na nagkakape) Yan ang naunang bumaril. Galing mo tsip!"

Reporter: "Matanong ko lang ho Ginang. Nakita nyo po ba kung saan napunta yung babae? Yung biktima?"

GM: "Ay! Oo nga no? Hindi na e! Mabilis syang nawala matapos dumating yung mga pulis. Sayang 'di ko na-chika man lang (may tinig ng panghihinayang)"

Reporter: "Maraming salamat Ginang Malou! At yan po ang ating ulat mula dito sa Mandaluyong, back to you F******!"

Maya-maya'y napawi na ang tensyon. Nakapag-tanghalian na ang mga usisero/sera. Lumuwag na ang daloy ng trapiko. Balik sa normal ang gawain ng taong bayan. May mga bumilib at mas marami ang natuwa. Liban sa hepe na kakarating pa lamang na hindi malaman kung may balakubak sa ulo dahil sa kakakamot. Pasimple nitong nilapitan ang dalawa sa pulis na nakatokang maiwan.

"Sino bumaril sa mga asset?", bulong nito. "Yung babae ang target. Na'sa bag yung item. Big time na sana tayo napurnada pa.."

"Sir, may ginang kasing nag-ingay e.."

"Barilin nyo rin.." utos nito.

At muli, may katawang bumagsak sa kanto ng Boni Ave., at Sto. Rosario sa Mandaluyong. Yun nga lang, hindi na nanumbalik ang mga tao para tumikim ng balita.


-Wakas



image credit to orig uploader :)

Test Paper

credit to orig uploader :)
Pasimple kong sinipa ang ibabang bahagi ng upuan ni Alex. Tumingin lang sya tapos bumalik ulit sa paghagikhik. Medyo lumakas nga lang ng kaunti nang malaman nyang apektado ako. Kung hindi lang si Mrs. Ramirez yung teacher namin sa harapan malamang tumayo na ko't binatukan sya.

Alam kong ako at si Carla ang nilalaman ng malabnaw nyang utak. Nagsisisi tuloy ako't nabanggit ko pa sa kanya kanina na medyo umiibig na ko kay Carla. Natatakot lamang ako umamin dahil alam kong may kahabaan ang pila ng kanyang manliligaw, at alam ko rin na malayo sa katotohan ang mukha ko kung ikukumpara sa mga nagtangka. Natatawa nga ako kapag nakikita ko yung mga liham ko sa kanya tsaka yung tatlong pirasong roses na hanggang ngayon ay naka-display pa din sa aming sala.

Para kay Klasmeyt..

Hindi 'to bagong kwento. Lalong hindi bagong tula. Hindi din panibagong nobela na hindi alam ng author o ng mga mambabasa kung may sunod na chapter pa ba o sinolo nalang ng sumulat ang ending.

Simple lang..

Nais ko lang humingi ng maliit na pabor. Halagang P320 petot lang. Kung wala kang gagawin sa August 17. Araw ng linggo. Pwede kang maligaw sa Robinsons Galeria. Isama si bf/gf, ermats o erpats, si klasmeyt, si crush, si yaya, si utol, at.. at mas maganda kung babasahin nyo nalang yung banner/image sa baba.







"Nag-enjoy ka na, nakatulong ka pa!"  -Hiram na asawa linya.


Normal na tanong ng mga normal na tao (In-short FAQ)

Q: Paano mas mapapadali ang aking buhay pagpa-reserved/bili ng ticket.
A: Mas hassle free kung magbabayad sa bangko.
    -BPI account #3399 2782 78
    -Account name: Christian Dee

*then paki-inform ako kung nakapaghulog na at ibibigay ko yung ticket number. Pwede din kontakin yung mga numerong na'sa banner kung nais nyo yung literal na ticket, na sa kalaunan ay pwedeng gamiting remembrance.

Q: Pwede bang kay Amphie nalang ako bumili ng ticket?
A: Wala akong ticket na hawak. Pwede kayo sa akin magbayad then bibigyan ko nalang kayo ng ticket number. Contact nyo ko 0916 636 9425.

Q: May free snack po ba while watching the movie?
A: Opo, sopas..








PS. Kapanalig, para po ito kay klasmeyt.. Ngayon palang.. Salamat! ;)


official trailer HD, naks!




Paki-follow na din ang mga sumusunod:

Twitter: @iHeartPBO
Instagram: @iHeartPBO

Pakisabay na din 'to: ???










Maleta

image credit to orig uploader


"Blag!"

Isang malakas na sipa ang pinakawalan ko gamit ang kaliwang paa. Hindi natinag ang maleta. Tila natatawa lang sa naging asta ko sa kanya. Hindi ako nagpatalo. Sinipa ko ulit sa pangalawang beses na ubod ng lakas. Baklas ang handle. Tumalsik ang kapirasong gulong, dahan-dahan, papalayo sa akin, hanggang sa hindi ko na matanaw. Ipinakita na nito ang totoong anyo. Kung saang materyales yari. Napunit ang bandang ibaba. Sa halagang walong daan, napa-isip ako, napamura, napakamot, napa-suntok sa hangin. Tsaka biglang pumasok ang imahe ni Selya. Badtrip.

"Kung ayaw mo kong paalisin dito, sige! Ikaw ang lumayas!"

Graduate

Halos tatlumpung minuto na ang itinagal ni Estong sa pagkakaupo sa plastik na upuan na wala man lang sandalan. Nangangalay na ang kanyang mga binti dahil hindi abot ng kanyang mga paa ang sementadong sahig. Dagdag pa ang ingay ng lumalagutok galing sa mekanismong nagluluwal ng papel habang itinitipa ang bawat letrang bubuo sa kanyang pagkakakilanlan.

"Pangalan hijo?" tanong ng pulis na bahagyang nagtapon lamang ng tingin sa kanya. Banayad na ibinaba ang may gradong salamin sa kanyang ilong.

"Ernesto po."

"Apelyido?"

"Sucat"

"Spelling?"

Hindi nakakibo si Estong.

"Spelling!" tumaas ng bahagya ang tinig ng pulis.

"Eh-eh hindi ko po alam," nahihiyang tugon ng katorse anyos na binatilyo.

Orange - Chapter 3



Nasa dalawampung hakbang lamang o higit pa ang smoking area ni Philip mula sa studio. Actually hindi naman talaga mukhang studio ang gusali. Bahay lang na inupahan tapos ginawang opisina ang unang palapag. Yung second floor may tatlong kwarto, yung isa solo ni Philip. Sya lang ang pwedeng gumamit kaya mapapansin agad na puro obra ng binata ang nilalaman ng buong kwarto.

Yung dalawampung hakbang nagmistulang isang daan. Napakabagal maglakad ni Filona. Kapag binibilisan ni Philip ang kanyang mga paa, naiiwan ang dalaga. Hindi nya alam kung sinasadya o talagang makupad lang itong kumilos. Napipilitan tuloy syang sabayan na lamang ito para naman hindi sila magmukhang mag-syotang nag-aaway.

"Bakit ka pumasok sa ganitong trabaho?" tanong ni Philip.

"Wala namang masama 'di ba? Hindi pa naman ako nare-rape tsaka malaki ang bayad."

"Malaki nga, pero alam kong mas malaki ang kikitain ng isang stewardess.."

"Aba! Sinilip mo ang profile ko?"

"Hindi ah!" mariing tanggi ni Philip, "Nabanggit lang sa akin ni Ms. Belle. Hindi ko nga alam na ikaw ang magiging modelo ngayon. Maliit talaga ang mundo.."

Orange - Chapter 2



Katulad ng sinapit ng mga naunang mensahe ni Harry kagabi, binura nya rin ang huling mensahe na nabasa nya lamang ngayong umaga. Hindi sya apektado sa mga sinasabi ng kaibigan. Sanay na sya kay Harry na lintik ang concern sa kanya. Dapat pa nga'y magpasalamat sa kanya ang kaibigan dahil binisto nyang type nya si Rose, hindi nya lang alam kung nakatulong talaga.

May kakarampot na excitement din sa kanya ang blind date na yun. Hindi nya lang talaga gusto si Rose. Hindi ang tipo nyang babae ang magbabalik ng kiliti sa kanyang katawan. Tsaka alam nya ding sa huli ay itatapon sya nito na parang basura lang. Natuwa lang si Rose sa kanya. Yun lang. Walang iba. Hindi sila magki-click. Baka nga sa unang linggo pa lang ay ipagkaila na sya nito katulad ng kaso ni Pedro kay Kristo.

Binilisan nya ang pagkain. Bawal mahuli sa trabaho nya ngayon. May kahigpitan si Ms. Belle na bago nyang manager ngayon, na mas pinili nya para may katuwang syang labanan ang katamaran. Binigla nya ang paglagok sa kape. Pinaspasan nya ang paglantak sa pandesal. Kulang na lang singhutin nya ang mga piraso-pirasong nagkalat para walang masayang.

Orange - Chapter 1




Chapter 1

Simple lang ang mga pangarap ni Philip. Kasing simple ng pagkakaroon ng tagsi-singkwenta pesos na Ray Ban, na hindi nya pa sigurado kung isasama nya sa opisyal na listahan. Isa sa mga priority nya ang makabili ng sariling gitara. Mas mura iyon kaysa bumili sya ng sound system sa kanyang kwarto. Pangalawa na ang pagkakaroon ng pang araw-araw na rasyon ng kapeng barako. Kailangan nya ng pampagising sa trabaho na kinakailangan ng matinding konsentrasyon ang isang damukal na puyat. Ngunit mas itinuturing nyang jackpot, kung magbababa ng singil ang kanilang masungit na kasera na nagiging sweet lamang tuwing sasapit ang katapusan.

Ngayon, nais nya ng maidagadag sa listahan ang pagtiklop ng bibig ni Harry. Literal na pagtiklop. Yung hindi na makakapagsalita. Nauumay syang pakinggan ang mga sinasabi nito tungkol sa kanyang pagkatao. Papuri at mga positive personalities nya. Umuukit na nga ng butas sa mesa ang kanyang siko na nagsilbing tukuran ng kanyang baba habang pinagmamasdan ang view sa labas ng magarbong coffee shop.

"Sampu!" bulalas ni Philip.

Nahinto si Harry. Nawala sa isip ang susunod na sasabihin. Siniko nya si Philip. Pinandilatan. Ngunit hindi ito nakinig.

"Hindi mo ba napapansin?" bulong nito.

"Ang ano?"