Flamingo - Chapter 5

Sa tingin ko'y kukulangin ang pagkakulot ng utak ko, kung susubukan kong himayin ang mga sinabi ni Sarah. Habang tumatagal ang paglagi ko sa Mojaeles, ay lalong lumalalim ang natutuklasan ko sa pagkatao ni Rica. Wala na kong maisip pang diskarte para tuluyang paaminin si Sarah. Aasa lang ako sa diretsong tanong, at mag-aabang ng diretsong sagot. Labing dalawa lang naman ang numero sa orasan, pero mukhang aabutin ng susunod na leap year kung mag-aabang ako ng pagbagsak ng bunga sa aking bibig.

Tinabihan ko sya. Halata sa mukha nya ang pagkagulat. Ngayon lang yata sya nakaramdam ng may lalaking nasa tabi nya. Hindi ko iyon tinapunan ng atensyon. Ang pag-uungkat ng kung anong mahahalungkat ang una kong balak.

"Sarah may dapat pa ba akong malaman?"

Ngumiti sya bago sumagot. "Marami kang hindi alam kay Ate, pero mas maganda kung mag-aalmusal ka muna bago magtanong. Madami dami din akong nais ikwento sayo" may pananabik sa kanyang boses.

Dala ng matinding pagod, hindi lang katawan ang sumuko sa akin kagabi. Kahit ang isip ko hanggang sa mga oras na ito, ay mukhang naapektuhan. Hindi ko nga namalayang makakatulog ako ng nakasuot pa ang sapatos. Kapag ganun ang nangyayari, si Rica ang kusang naghuhubad ng sapatos ko. May mga pagkakataong madalas ko syang naalala, sa mga ganitong sitwasyon. Isa na doon ang pagluluto nya ng agahan sa akin. Tumayo ako, at hinila ang kanyang kamay.

"Sabay na tayo! Hindi ako sanay kumain ng walang ka-kwentuhan"

"Sige!" nasasabik nyang sagot.

May mga sandaling ninanakawan ko sya ng tingin. Kahit pa alam kong hindi nya ito napapansin. Para bang nagkakaroon ako ng hiya sa tuwing titignan ko ang kanyang mukha. Simpleng babae lang si Sarah kung pagmamasdan syang maigi. Bilugan ang kanyang mata na bumagay sa ilong nyang masinop. May biloy din sa kaliwang pisngi na sumisilip, sa tuwing nagsasalita sya o ngumingiti. Mahaba ang kanyang buhok na laging nakatali ng maayos. Napapa-iling talaga ako sa panghihinayang, kapag iisipin kong hindi sya nagkaroon ng tyansang makita ang sariling kagandahan.

"Ano nga palang nangyari sa mga magulang nyo?" usisa ko.

"Nasa kabilang buhay na.." mabilis nyang sagot.

"Saan yun?!" biro ko, habang nagpipigil ng tawa.

"Bakit gusto mong puntahan?" seryoso nyang tanong.

"Tsaka nalang siguro. Alam kong pumanaw na sila. Anong nangyari?"

"Aksidenteng lumubog ang sinasakyan nilang barko noon papuntang maynila, kasama sila sa hindi pinalad."

Hindi ko alam kung normal sa isang bulag ang walang reaksyon, lalo na't pagkamatay ng mahal sa buhay ang pinag-uusapan. Siguro sana'y na din sya, at limot nya na ang trahedya. Nahihiwagaan lang ako dahil saan mang sulok ng bahay ay wala pa akong nakikitang larawan man lang ng kanilang magulang. Kahit isang litrato ni Rica ay wala din. Kung itatago naman ang mga iyon, ay ano naman ang magiging dahilan?

"Amulet?" tanong ko noong napansin kong sumilip ito sa kanyang leeg.

"Flamingo.."

"Flamingo? Akala ko Ostrich!" biro ko ulit, pero bigong makakuha ng tawa galing sa kanya.

"Flamingo! A big pink bird, that symbolized love!" matikas nyang sagot.

Bukod sa suot nyang bestida na kulay rosas, tanging ang mutya lamang na nakasabit sa kanyang leeg ang burloloy na suot nya. Bagay na hindi ko naman napansin sa kanya kagabi. Pakiramdam ko'y espesyal ang isang yun sa kanya, at tinerno nya pa sa magandang damit.

"Sigurado akong espesyal na tao ang nagbigay sa iyo nyan. Si Rica ba?" tanong ko.

"Si William" tipid nyang sagot.

"At sino naman si William?"

Wala akong natatandaang may nasabing masama, kaya ganoon nalang ang gulat ko nang tumayo sya sa kanyang kinauupuan. Kinapa sa gilid nya ang kanyang tungkod. Dahan dahan syang naglakad papunta sa ref, at tahimik na sumalok ng tubig. Pinagmamasdan ko ang bawat galaw nya. Mula sa paghakbang hanggang sa kinalalagyan ng tubig, ay hindi sya nagkamali. Dalawang bagay lang ang tumakbo sa isip ko. Una ay kabisado nya na talaga ang bahay kahit napakalaki nito. Sa pangalawa ako nagkaroon ng kakaibang pakiramdam. Yun ay kung hindi sya dating bulag. Pwedeng kailan lang sya nabulag kaya alam nya na talaga ang pasikot sikot ng bahay. Halata iyon sa kilos nyang sobrang natural.

"Dati ko syang kaibigan.." si Sarah.

"Dati?" bulong ko sa sarili.

"Maiba lang ako. Paano nangyari yang kapansanan mo? Yung ano--"

"Yung mata ko? Natural na yan. Hindi na ako nakakita ng liwanag mula ng pinanganak" nakangiti nyang sagot.

"Pupuntahan pa natin sila Daddy diba?" mabilis nyang bawi.

"Daddy?"

"Si Mang Fred. Baka hinihintay nya tayong dumalaw."

---

Hinithit ko ang huling baga na syang sumusunog sa sigarilyong hawak ko. Binuga ko sa hangin ang huling usok, at bahagyang napalunok. Habang tumatagal ang oras na kasama ko si Ingrid, ay lalong lumilinaw ang mga ala-ala ng mga nakaraan. Ilang beses ko ding binalak na ikuwento ito sa iba, ngunit sa tuwing magsisimula ako ay parang may humahabol na eraser na agarang bumubura sa bawat simula ko. Kaya ganoon nalang ang tuwa ko nang nailalahad ko ito ng maayos sa harapan nya.


"Naisip ko lang na napaka-hiwaga ng relasyon nila bilang magkapatid." wika ni Ingrid.


"Oo.. Tinalo pa ang twist and turns sa buhay nila Mara at Clara." sagot ko.


"Hindi naman magkapatid sina Mara at Clara di ba?"


"Hindi nga.. Gusto mong maglakad lakad?" tanong ko kay Ingrid.


"Saan naman tayo pupunta?"


"Kung saan tayo dadalhin ng ating paa."


"Bahala na?" may ngiti sa kanyang labi.


"Oo, kung saan tayo mapadpad. Tulad ng tadhana, hayaan natin ang mga paa natin ang magpasya ng lahat.


"Parang ding puso, hayaan natin kung kailan o kanino ito iibig?" si Ingrid.


"Exactly.. Tara.." sagot ko.

----

Katulad ng kagabing eksena sa auto, tahimik pa din sya at tila hindi kakikitaan ng interes sa pakikipagusap. Tahimik ko syang pinagmamasdan, habang naglalaro sa isip ko ang napakaraming bagay. Katanungan na sya lamang ang makakasagot. Aksidenteng naging asawa ko sya, pero misteryo pa din kung paano nangyari ang clerical error. Kung sino ang totoong gumawa? Kung anong motibo at nagawa? Kung may partisipasyon nga ba talaga si Sarah, o hindi nya din alam.

"Oh! bakit mo hininto?"

"May bigla kasing tumawid.." pagsisinungaling ko.

"Mag-iingat ka sa pagmamaneho, madalas ang disgrasya sa lugar na ito" payo nya.

"Maiba ako.. Sino pala si William?"

"Nasagot ko na yan sayo hindi ba? Dati ko syang kaibigan.."

"Kaibigan o kasintahan?"

Kung tama ang hinala ko. Dati nyang kasintahan si William. Ang mutya, ang clerical error, at ang buong pagkatao nilang magkatapid, ay magkakadugtong. Iisang misteryong dapat kong malaman.

"Mausisa ka din pala.." tanging sagot nya.

"May gumugulo lang kasi sa isip ko. May sikreto bang dapat itago?"

Hindi ko napansin ang bilis ng kanyang mga kamay. Sa isang saglit lamang ay nailapagnya na iyon sa aking pisngi. Kasunod ang isang halik sa aking labi. Tumigil ang aking utak sa pag-iisip, at ang mabilis na tibok ng aking puso ang tanging ingay na aking naririnig.

5 comment/s:

DY3NNY said...

i like this line

"Parang ding puso, hayaan natin kung kailan o kanino ito iibig?" si Ingrid."

Amphie said...

hehe! thanks jef! nakakarelate? :))

starbuko1234 said...

nahanap din kita

Amphie said...

mahusay ka sa hide-and-seek idol hehe, sensya na nagbago kasi ako ng blog. salamat sa paghahanap! :)

palike din ng funpage sa fb, para updated hehe!

rhed said...

:D... ang galing talaga...

Post a Comment