Photo Album

image credit sa internet

"Tuloy ka. Pagpasensyahan mo na kung makalat," wika ni Aiza bago ako talikuran. Tinungo ang limesang naghahati sa maliit na kwartong inuupahan, "Sabi ko.. tuloy ka."

Nakangiti kong pinaunlakan ang alok nya. Hinugot ko ang upuang yari sa plastik na na'sa ilalim ng lamesa. Tahimik akong nagmasid. Sa estima ko, malamang naglalaro sa isa hanggang isang libo't limang daan ang bayad sa bahay. Sapat lamang sa dalawang tao, kung aabot ng tatlo kakayanin pa. Kung apat, siguro nakatayo ang isa. Sa kanang parte ang kusina. Higit sa isang dipa ang laki. Sa kaliwa naman pader na may bintana, at sa harap ay may isa pang bintanang mas malaki. Katabi nun ang maliit an drawer. Alam kong damit ang nakalagay dahil transparent ang plastic. Walang banyo. Hindi ko alam kung nasaan. Malamang na'sa unang palapag ng paupahan. May mga larawang nakasabit. Yung unang dalawa si Aiza, yung tatlong natitira hindi ko masipat dahil sa kalumaan. Siguro parents nya.

"Matagal na kayong magkakilala ni Francis?" biglang tanong nya. Bumalik ang kaluluwa ko sa gulat.

"O-oo!" utal-utal kong sagot, "Classmate ko sya noong kolehiyo"
"Kinakabahan ka pa siguro no? First time mo?! Virgin?" may pang-aasar sa tono nya habang nang-aakit ang mga mata. Tinanggal nya ang pagkakatali ng kanyang buhok. Mahaba pala yun kung hindi nakapusod. Humarap sya sa salaming kasinglaki lang ng regular na kwaderno, tsaka nagsuklay ng buhok.

"Actually, wala pa kong naging girlfriend"

"Really? Sa mukha mong yan?!" sunod-sunod na tango lang ako. "Sinong niloko mo?"

"Kaya nga napapayag ako ni Francis sa ganito. Gusto ko ng experience"

Nagkibit nalikat lang si Aiza. Ibinalabal ang makapal na twalya sa kanyang balikat.

"Shower lang ako. Upo ka lang dyan ha. Try to relax" paalam nya kasunod ng pagbukas at pagsara ng pinto.

Sa edad kong bente singko anyos, siguro naman alam ko na ang tama at mali. Alam ko na ding sa umpisa palang na alok ni Francis ay hindi na tama ang lahat. Wala naman daw masama kung susubukan. Hindi nya pa nakukuha ang side ko nag-demo na sya ng mga dapat kong gawin. Kung ano ang gusto ni Aiza kapag na'sa kama. Kung paano ko daw makukuha ang kiliti. Kapag daw na-satisfied si Aiza sa performance ng tulad ko nagbibigay daw ito ng malaking discount sa napag-usapang presyo. Afford na daw iyon dahil hindi ko na kailangang magbayad pa ng motel. Hindi na ko gagastos ng taxi para itago ang mukha ko sa publiko. Pisong load para itext ang numero ni Aiza, at pamasahe sa jeep ang labas sa budget. Ibinigay nya ang address kasama ng cellphone number. Wala pang ilang minuto nagkaroon na agad ng maayos na deal.

Hindi naman kagandahan si Aiza sa unang tingin. Maputi ito't may sinasabi ang laki ng dibdib. May tamang hubog ng katawan para sa ideal na prosti. Bukod dun wala na kong ibang alam sa kanya, maliban nalang kung anong mangyayari mamaya. Kinakabahan ako. Hindi pa ko nakakakita o nakakahawak ng hubad na katawan ng babae. Wala akong ideya kung paano ko sisimulan ang lahat. Paano kung hindi matapos ang nerbyos ko hanggang sa dumating sya? Baka magmukha akong katawa-tawa sa harap nya.

Napansin ko ang photo album sa ibabaw ng drawer. Mag-tatatlumpung minuto na syang na'sa banyo. Alam kong matagal mag-ayos ang babae. Wala akong karapatan makielam ng gamit, kaso kung hindi ko lilibangin ang sarili ko. Baka maabutan ako ni Aiza na tirik ang dalawang mata sa nerbyos.

"Mataba pala sya nung bata," bulong ko sa sarili habang iniisa-isa ang pahina ng album.

Napapangiti ako. Parang human evolution ang mga litrato. Larawan nya mula nung bata sya hanggang sa ngayon. Maraming bagay ang tumakbo sa isip ko. Masaya sya sa mga larawan, ngunit malayo sa idinidikta ng kanyang mukha nang magkita kami. Ang dami ko tuloy naging tanong. Kung bakit sya napunta sa ganitong klaseng pamumuhay, kung ano bang klaseng hirap ang dinaanan nya, at kung bakit hindi sya maka-alis sa ganitong sistema. Binuklat ko pa ang album. Hanggang umabot sa huling pahina. Nabitiwan ko pagdating sa dulo. Hindi human evolution kung magsisimula sa bata at magtatapos sa bata. Malayong malayo ang mukha ng bata na na'sa huling pahina. Huminga ako ng malalim, bago gumawa ng desisyon. Hindi ko kayang bumayad ng kaligayahan para lang bumuhay ng kumakalam na sikmura. May anak si Aiza. Kung nasaan man ang bata, e hindi ko alam.

Binuhat ko na ang sarili ko palabas ng pinto. Back-out na ko. Hindi to kaya ng konsensya ko. Kung hindi ko nalaman pwede pa. Mahirap na na'sa kalagitnaan ng gera ay bigla kong maalala. Nagkagulatan kami ni Aiza ng buksan ko ang pinto.

"O san ka?" nalilito nyang tanong, "Matagal ba ko? Sorry."

Sumiksik sa ilong ko ang bango ng ginamit nyang shampoo. Ang kaninang twalya na nakabalabal sa kanyang balikat, ngayo'y nagsisilbing tabing sa kanyang seksing pigura. Sinasaniban ako ng espiritu. Hindi pwede 'to!

"Aiza, sorry hindi ko kaya"

"Ano?!" may pagtaas na ang kanyang tinig, "ang labo mo naman!"

Nilagpasan nya ang kinatatayuan ko. Napaigtad ang laman loob ko nang biglang tanggalin nya ang telang nagtatakip sa kanyang katawan. Para bang wala ako doon. Tila wala syang pakielam. Nag-suot sya ng manipis na bestida. Itim ang kulay ngunit 'di kayang itago ang puti ng kanyang balat.

"Aiza, siguro magbabayad nalang ako. Kahit wala ng mangyari"

Tawa lang ang sagot nya. Napilitan akong isara ang pinto. Desidido akong kausapin sya at ibigay na lamang ang napagkasunduang pera.

"Akala ko aalis ka na?"

"Anak mo ba sya?" napalingon sya sa itinuro ko. Sa photo album.

"Yup. Nakita mo pala. Disgrasya e! Muntik ko na ngang mapatay yung hayop na tatay nyan" Tumungo sya sa kusina. May kung anong dinampot na hindi ko naman naaninaw. "Customer din tatay nyan. Ibinigay ko sa kanya yung bata. Palakihin nya nalang ng maayos okay na sakin yun"

"Nagkikita kayo?"

"Hindi na. Tumigil na ko sa pagbisita. Mahirap na at baka mabuking sya ng asawa nya. Pinalabas nalang na inampon. Yung picture ipinadala lang sakin. Shot daw yan noong first birthday"

"Hindi mo ba naisip na i-abort nalang sya noong una palang?"

"Sira ba ulo ko?!" mabilis nyang sagot sabay abot sakin ng kape. Iyon pala ang pinagkaka-abalahan nya kanina pa.

"Kaya ko sigurong sirain ang sarili kong buhay. Sarili kong katawan. Pero hinding hindi ang buhay na hindi sa akin. Puta! Nabuhay na nga ng dahil sa kasalanan e! Deserve nya naman sigurong maging tao, maranasang sumaya, at mabuhay sa mundo. Kung ako, dapat ako lang. Walang damayan."

Hindi ko alam kung mamamangha ako o madidismaya. Hindi ko din alam kung saan ba galing ang ngiti na bigla nalang humulma sa aking labi. Totoo man o peke, sapat na sigurong marinig ng tenga ko ang dapat nitong marinig. Naging mahaba ang gabi. Natapos sa kwentuhan ang lahat. Kusang naglaho ang init ng katawan. Masarap ang nakahaing kwento kumpara sa lamang itinitinda ni Aiza.

Inabutan na ko ng pagsikat ng araw. Hindi nya tinanggap ang binibigay kong pera, bagkus nagpasalamat sya. Nakahinga daw sya maluwang. Hindi ko na tatanungin kung anong magiging balak nya sa buhay, bukas, o sa susunod na mga araw. Nakatanggap ako ng mensahe galing kay Francis nang sunod na araw. Kamusta daw ang experience ko kay Aiza.

"The best!" lang ang naging sagot ko.

-wakas

18 comment/s:

Reilly Reverie said...

At para sa kwentong ito.. Kahit late ako makakapasok sa klase ko...

"The Best!" talaga ang pwedeng ikomento...

Salamat muli idol!

amphie said...

oy unahin ang klase trops, haha! salamat!

Reilly Reverie said...

Nakapasok parin naman ako trops... Nastranded lang sa biglang buhos ng ulan kaya na-late.. Haha..
Patuloy parin akong magaabang ng mga akda mo!
Salamat po!

Melven Mejia Nool said...

hehe ayus, sulit na sulit :)

amphie said...

salamat din! madami akong utang sa inyo ;)

amphie said...

uy may bagong bisita! salamat po! balik lang para maka-sulit ulit ;)

christian edward paul dee said...

Ang gara mong kwentista... Da best... easy read!

amphie said...

salamat senyro sa patuloy na pagtitiwala, naks!

limarx214 said...

Naligaw ako. Kaya pala wala akong mabasang latest post ng MP iba pala ang sinusubaybayan ko. Buti nagkomento ka sa bloghay ko at nahanap ko ito..
Magback read na lang ako sa mga na-miss ko.

espag said...

Buti na lang napadayo ako sa blog ni senyor iskwater. The best ka brad!

amphie said...

buti natagpuan pa hehe. salamat!

amphie said...

Thank You! Salamat sa paglalamay :)

Moises John Bilang said...

ako po ay isang fan :)

starbuko1234 said...

the best

yana said...

I really love reading your post :))

amphie said...

the best kang bolero hihihi

amphie said...

thank you! sana babalik ka :D

amphie said...

ako din po sir, apir!

Post a Comment