Makitanay

(image credit to orig uploader)



“Mukhang maganda ang panahon ngayon” wika ko kahit hindi diretsong nakatingin sa kanyang mga mata.

“Masarap maglakad lakad, ano po sa tingin nyo?” dugtong ko pa.

May kung anong bagay na pilit nagpapahinto sa paghakbang ng kanyang mga paa. Sa payat at lugmok nyang pangangatawan, ay mahahalata na ang bakas ng nagdaang panahon. Malapit na sanang masilawan ng araw ang kanyang naninilaw na balat, nang biglang huminto ang pag-usad ng kanyang mga paa. May namuong lungkot na syang tuluyang nagpa-agos sa kanyang mga luha.

“Ano pong problema itay? May masakit po ba? May nararamdaman ba kayo?” tanong ko.

“Wala Julius. Nag-uumpisa na naman pala ang tag-init.” Si itay.

Sa isip ko alam ko na ang pinupunto nya, kahit hindi nya pa sabihin sa akin. Hindi maitatago ang tono ng lungkot sa bawat salitang inilalabas ng kanyang bibig. Bahagya ko syang nilapitan. Sa puntong ito ako naman ang magsisilbing haligi at syang aalalay sa inanay na haligi ng tahanan. Inakbayan ko sya. Pinaramdam ko sa kanyang ang pinakabatang miyembro ng pamilya, ay kailanma’y hindi nawalan ng pag-asa. Hindi sumuko hanggang sa mga sandaling ito.

Gusto kong maramdaman nyang hindi sya nag-iisa. Sa kabila ng pait na ibinigay sa kanya ng tadhana, nais kong isipin nyang hindi pa tapos ang ikot ng mundo para sa mga taong malaki ang isinakripisyo.

“Saan nyo po ba gustong pumunta?” tanong ko. Inipit nya pang maigi ang malalim na paghinga, bago tuluyang pinakawalan.

“Kung pwede sana. Gusto kong makita ang iyong ina”

“Talaga? Matutuwa sya sigurado!”

Kahit pa alam kong mahirap para kay itay ang ganoong desisyon, pinipilit ko pa ding hindi sya panghinaan ng loob.

Walang kapa at matingkad na kasuotang magtatago sa katauhan ni itay. Wala ding maskarang magtatakip sa kanyang mukha. Walang kapangyarihan, at walang kakaibang abilidad. Pero ganoon nalang ang paghanga ko sa kanya na parang isang superhero. Mabait, masipag, matiyaga, at maasikaso. Kung may award nga lang ang pagiging ama nya sa amin, siguro hindi pa sapat na patayuan sya ng rebulto sa edsa.

Masaya ang itay at inay noong naka-graduate ako ng highschool. Kahit hindi matataas ang gradong nakuha ko, hindi iyon naging problema sa pagpasok ko ng kolehiyo. Regular sa trabaho si itay sa isang maliit na kumpanya. Nag-iisang anak ako kaya madaling nakaipon ng pera, dahilan para makapagpatayo ng negosyo si inay. Hindi naging problema ang pinansyal sa pamilya namin. Kumakain kami hindi tatlo, kundi limang beses sa isang araw. Kumpleto ang kasuotan na sinusuot ko sa araw araw. Walang bakas ng pinaglumaan, at hindi mawawala ang amoy ng dekalidad na fabric conditioner.

Pinili ko ang kursong abogasya sa kilalang unibersidad. Kahit pa hindi ako sigurado na mahahagip ng utak ko, ang kailangan sa pagtatanggol sa kung sino sinong tao lang. Malaki ang ngiting nangibabaw sa labi ni inay, noong nakita nila akog subsob sa pag-aaral. Ganoon din si itay, kaya lalo pang nagsipag sa pagbabanat ng buto. May mga oras na tila ayaw nila akong abalahin, ngunit sinabi kong kailangan ko din sila lalo na’t sila ang inspirasyon ko habang nag-aaral sa kolehiyo.

Noong minsang naabutan ako ni itay na inabot ng madaling araw sa pag-aaral, dinalhan nya pa ako ng gatas.

“Pwede bang makaistorbo?” pabiro nya pang sabi, sabay lapag ng isang basong gatas sa study table ko.

“Gising ka pa pala itay! Wala ka po bang pasok bukas?” habang hinihipan ang mainit init pang gatas.

“Meron. Hindi pa kasi ako tinatamaan ng antok. Lalabas sana ako para magpahangin, nakita kong bukas pa ang ilaw ng kwarto mo. Ano ba yang pinagpupuyatan aber?”

“Review lang po. May parating kasing exam. Gusto mo samahan kitang magpahangin sa labas?”

“Hindi na! Nagbago na isip ko. Gusto ko nang makipagkwentuhan naman sayo. Bihira na kasi tayong magkausap noong tumuntong ka ng kolehiyo. Sya nga pala ano bang maganda sa abogasya, at iyan ang pinili mo?”

“Gusto ko po kasing maging superhero tulad nyo.” Pabiro kong sagot. Nagkasalubong ang kilay ni itay sa sinabi ko.

“Pangarap kong maging superhero sa magiging pamilya ko. Tulad ng ginagawa mo sa amin. Sa akin.” Natawa sya sa paliwanag ko. Kulang nalang malaglag sa kanyang inuupuan. Sinundan ko na din sya sa pagtawa.

“Alam mo bang ang pagiging superhero sa pamilya ay iba sa pagiging superhero mo sa ibang tao? Sa pamilya natural nang maging malakas ka sa bawat sandali. Bilang padre de pamilya kailangang hindi ka kakitaan ng kahinaan. Walang puwang ang pagsuko, at palaging namamayani ang tiyaga.”

Bumaon sa isip ko ang sinabi nya. Hindi sya yung tipong makakapagsalita ng ganoon, pero sa pagkakataong iyon humanga na naman ako sa kanya.

“Sige na matutulog na ako. Hindi ako lalong tatamaan ng antok kapag may kausap.”

Umpisa na ang tag-init noon. Tapos na ako sa unang taon, at magsisimula na ang bakasyon. Gabi na ako ng makauwi. Dahil huling araw ng klase, nagkayayaan ang mga kaklase sa isang maliit na salo-salo. Pinagbigyan ko, dahil baka sa susunod na taon ay hindi na sila ang makakasama ko. Papasok palang ako ng pinto noong salubungin ako ni inay. Sa ganitong oras hindi nya gawaing magsamsam ng nakasampay na damit, kaya ganoon nalang ang gulat ko nang inisa isa nya ang mga damit kasama na ang sa kapitbahay.

Nilapitan ko sya. Lalo akong nagtaka noong maaninagan ko ang kanyang mukha. Lumuluha sya. Tinanong ko si inay, ngunit bigo akong makakuha ng sagot. Agad akong pumasok ng bahay. Naabutan ko sa sala si itay. Nakatalukbong ang mga palad sa kanyang mukha. Sa limesa nakapatong ang iilang papeles. Mabilis ko syang nilapitan para mag-usisa.

“Pasensya na Julius. Mukhang kailangan mong mag-iba ng kurso, at lumipat ng eskwelahan.”

“Ano pong nangyari? Bakit kailangan kong lumipat? Si inay? Anong nangyari kay inay?” sunod sunod na tanong na lumabas sa aking bibig.

“Nag-away kami. Nawalan ako ng trabaho. Nagsara ang kumpanya, at ang masakit tumakbo ang may-ari. Wala akong naisalbang pera kahit singko.” Paliwanag ni itay.

Hindi ako sanay sa mga ganitong sitwasyon. Sa telebisyon lang ako nakakakita ng ganitong mga eksena. Estudyante lang ako, at ang pagbibigay ng payo sa kaklaseng nabasted ang kaya ko lang imungkahi. Pero hindi broken hearted ang itay. Mayroon pang mas malaking problemang kinakaharap ang pamilya, yun ay ang aming kinabukasan.

Hindi nabigo ang tadhana sa paglalaro sa buhay namin. Isang buwan lang ang lumipas nawala na ang negosyo. Ubos ang pinagipunan sa dami ng utang. Kaliwa’t kanan na ding mga kagamitan ang parang bula nalang kung mawala. Binawi na din sa amin ang bahay na noon pa pinaghihirapang hulugan ni itay. mabuti nalang at may damit pa akong nasusuot, at kumakain pa ng matino. Ngunit lalong namayani ang pagkahabag ko sa estado namin, noong dineklara na ng magulang kong kailangan ko nang huminto sa pag-aaral.

Masakit para sa akin ang ganoong klase ng dagok, pero imbes na mamaluktot sa isang sulok ay naghanap ako ng trabaho. Una para tumulong sa pamilya, pangalawa para makaipon para sa muling pagpapatuloy ng aking pag-aaral. Nakakita ako ng pagsilip ng araw, noong natanggap ako bilang waiter sa isang hindi kilalang hotel. Hindi man sapat ang kita ay pinilit kong ipagkasya. Medyo may edad na din kasi ang itay kaya hirap nang makahanap ng tatanggap. Kahit paano nadagdagan ang kinikita ko dahil sa tip na iniaabot ng mababait na customer.

Matapos ang malakas na bagyo, dahan dahan kaming nakakita ng pag-asa. Tulad ng lupang dinaanan ng baha, kailangan naming magsimula ulit sa wala. May trabaho na ulit si itay. Natanggap sya bilang supervisor sa isang pabrika. Labis ang tuwa ni inay, at ganoon din ako. Napagpasyahan naming magtulungan pa ng husto para ibalik sa normal ang buhay namin. Namasukan na din ang inay bilang mananahi. Limang buwan pa lang ang lumipas nabawi namin agad ang kalahati ng nawala sa amin. Lalong tumindi ang pagnanais naming makaahon sa kahirapan, dahil sa partisipasyon ng bawat isa. Pero yun ang akala ko.

Bitbit ang isang bilao ng pansit at walang kasing tamis na ngiti, ay maaga kong nilisan ang trabaho. Kaarawan ni itay. Gusto ko syang surpresahin. Alam kong paborito nya ang pansit, lalo na’t galling sa paborito naming kinakainan. Papasok palang ako ng pinto nang isang hindi pamilyar na boses, ang narinig kong nangingibabaw sa usapan.

“Hindi mo ako kilala Ernesto. Bihira akong magbigay ng palugit sa tao!” wika ng lalaki.

Naabutan ko si itay sa posisyong tila nagmamaka-awa. Sa gilid si inay na nakahandusay at basa ng luha ang magkabilang pisngi. Hindi ko lubos maunawaan ang nangyayari. Nagkaroon ako ng kakaibang takot, dahilan para hindi ako tuluyang makagalaw.

“Dalawang buwan pa ang hinihingi ko sayo. Mababayaran ko din lahat ng utang ko” si itay.

“Pangatlong tawad mo na yan. Sa tingin mo ba may tao pang maloloko sa mga panahong ito? Kung pagbibigyan kita sa gusto mo, paano naman yung mga nauna sayo” nagsalubong ang mga kilay ni itay sa narinig.

“Mali ka sa pinasok mo Ernesto. Hindi ako katulad ng iba na pwedeng lagpasan pagkatapos mapakinabangan. Babalikan kita bukas, kapag wala kang binigay alam mo na siguro ang kasunod.” Dugtong pa ng lalaki.

“Huwag na huwag mo akong tatakutin Simon! Hindi dito. Hindi sa harap ng pamilya ko!”

Lalong nangalit ang mukha ng lalaki na akma na sanang aalis. Mabilis itong bumalik at nilapitan si itay. Binunot sa gilid ng suot na jacket ang isang malamig na piraso ng bakal. Itinutok ito sa noo ni itay. tuluyang nanglambot ang mga tuhod ko sa takot. Nasa isip ko ang pagsigaw at paghingi ng tulong, ngunit mabilis itong tinapakan ng mga daga sa dibdib ko. Isang malakas na putok ang tuluyang tumapos sa eksenang pang-pelikula lamang.

Duguan at naliligo sa sariling dugo ang lalaking nasa harapan ni itay. Ang sumunod na natandaan ko ay ang pagdakip ng alagad ng batas kay itay. Kitang kita ng mga mata ko ang posas na ikinabit sa magkabilang kamay nya.

“Julius. Wala kang dapat tularan sa nasaksihan mo. Mahal ko kayo ng inay mo. Sa lahat na paraan na kaya kong gawin” mga huling salitang namutawi sa bibig ni itay.

Huli na nang matuklasan kong ang lalaking iyon ang amo ni itay, sa dati nyang kumpanya. Hindi nagsara ang kumpanya. Tumakas si itay sa laki ng kanyang pagkakautang. Kusang nagbagsakan ang mga luhang kanina pa nanginiglid sa aking mata.

***

“Sa palagay mo ba matutuwa syang makita ako?”

“Opo! Madalas na ang banggit nya ng pangalan nyo, nitong mga nakaraang araw. Hindi nya matago ang mga ngiti, noong sabihin kong malapit ka nang makalaya”

“Julius.. Gusto kong humingi ng tawad sa iyo. Hindi ako naging mabuting ama. Maganda sana ang naging takbo ng buhay natin kung hindi ako nagpaloko sa pera”

“Nagkakamali kayo itay. Walang magulang na hindi nakagawa ng kabutihan sa kanyang anak. Naiintindihan kita kung bakit mo nagawa iyon, at mula ng maintindihan ko ay natuto na kitang patawarin. Kung hindi dahil sayo, siguro hindi din matutupad ang pagiging abogado ko, at hindi kita nailabas dito” wika ko.

Sumilay ang ngiti sa labi ni itay, na ngayon ko lang ulit nakita sa nagdaang taong pananatili nya sa piitan.

“Salamat anak. Maari ba kitang yakapin?” tanong nya. Hindi na ako sumagot. Bagkus ay agad ko syang niyakap. Ang mga sandaling tulad nito ang matagal ko nang inaasam asam.

“Alam mo bang ang pagiging superhero sa pamilya ay iba sa pagiging superhero mo sa ibang tao? Sa pamilya natural nang maging malakas ka sa bawat sandali. Bilang padre de pamilya kailangang hindi ka kakitaan ng kahinaan. Walang puwang ang pagsuko, at palaging namamayani ang tiyaga.” Bulong ko sa kanya.

Ginulo nya pa ang aking buhok, bago tuluyang ihakbang ang kaninang nahinto nyang paglakad.

“Kumusta pala ang lagay ng inay mo?”

“Maayos na sya. Payo lang ng doktor na mas maigi pang sa bahay nalang sya kesa sa loob ng ospital. Mas makakatulong daw iyon sa kanya. Madalas kasing hindi nya pa din mapatawad ang sarili. Sya daw dapat ang nakulong at hindi ikaw”

“Mahal ko ang inay mo. Sa mata ng batas sya ang dapat maparusahan, ngunit sa mata ng nasa itaas ako ang tunay na nagkasala” wika ni itay.

-End






Opisyal na lahok sa PSICOM SOPAS writing contest. Ayun talo! :)

2 comment/s:

Anonymous said...

Trops. Nice. Drama naman ngayon. :punish:
May twist pa sa huli, slight lang pero bumago sa conclusion ng bumasa.

Amphie said...

pinilit lang ang twist, ayun talo pa din haha! hirap ako sa ganito trops, panglandian lang talaga haha!

Post a Comment